Malakanyang: Mga OFW sa Sri Lanka tiniyak ng DFA na makakauwi

Malakanyang: Mga OFW sa Sri Lanka tiniyak ng DFA na makakauwi

May 27, 2022 @ 8:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinabihan ng Malakanyang sa overseas Filipino workers (OFWs) na nais nang umuwi ng Pilipinas mula Sri Lanka na makipag-ugnayan sa Philippine embassy sa Dhaka o Honorary Consulate sa Colombo.

Sinabi ni Acting Deputy Presidential Spokesperson, Communication Undersecretary Michel Kristian Ablan, nananatiling “on top of the situation” ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa gitna ng economic crisis sa Sri Lanka.

Tinatayang may 581 Pilipino sa Sri Lanka, ayon sa pinakahuling datos ng DFA, at karamihan sa mga ito ay patuloy na nagtatrabaho sa kabila ng nagpapatuloy na krisis sa ekonomiya sa South Asian nation.

“Kapag nagkaroon po ng problema, tawagan lang po nila ang embahada o ang ating consulate para ma-repatriate na po sila,” ayon kay Ablan.

Sa ulat, sa isang panayam kay Filipino community adviser in Sri Lanka, Zeny Yabut, sinabi nito na nais ng mga Pilipino na umuwi na ng Pilipinas dahil sa financial crisis na naging dahilan ng kakapusan sa mga pangunahing bilihin at langis.

Inulit naman ni Ablan ang naging pahayag ng DFA na, “There is still no repatriation request.”

“We empathize with our Filipino kababayans na nasa  Sri Lanka. Pero ayon po sa DFA, wala pa rin po silang natatanggap na tawag mula sa ating mga Pilipino doon, sa embahada natin sa Dhaka at sa honorary consulate natin sa Colombo,” ayon Kay Ablan. Kris Jose