Malakanyang nabahala sa community transmission ng UK, South African variant ng COVID sa NCR+

Malakanyang nabahala sa community transmission ng UK, South African variant ng COVID sa NCR+

May 28, 2021 @ 3:45 PM 2 years ago


Manila, Philippines – Inamin ni Presidential spokesperson Harry Roque na talagang nakababahala ang ulat na mayroon nang community transmission ng United Kingdom at South African variant ng COVID-19 sa NCR plus.

Kaya ang panawagan nito sa publiko lalo na sa mga hanggang ngayon ay nag-aalinlangan pa rin na magpabakuna na samantalahin na ang pagkakataon na magpabakuna gamit ang available na bakuna sa bansa.

“Well, ito po isang dahilan kung bakit kinakailangan iyong mga pupwede na ay magpabakuna na po. We are racing against the new variants ‘no at ito po ay dapat maging dahilan kung bakit dapat paigtingin pa natin iyong MASK, HUGAS, IWAS,” ani Sec. Roque.

 “Uulitin ko po, talaga pong nakababahala itong mga bagong variant.”

Kung maalala aniya ng lahat, noong unang pumasok sa bansa ang bagong variants ng virus, buwan ng Pebrero ay talaga naman aniyang lumobo ang numero ng kaso ng nagkaroon ng COVID-19.

Bagama’t napapababa naman aniya ngayon ang bilang ay hindi na aniya bumaba roon sa numero bago pa noong Pebrero o bago magkaroon ng new variants.

Kaya aniya ang kanilang panawagan ay: “Naririyan na po ang bakuna huwag na pong mag-atubili, huwag na pong mag-antay, magpabakuna na kung pupwede na at MASK, HUGAS, IWAS pa rin!”

Sa ulat, sinabi ni Dr. Rabindra Abeyasinghe, World Health Organization country representative, na mayroong rason para paniwalaan na mayroon ngang community transmission ng nasabing dalawang variants of concern sa NCR plus, batay na rin sa ebidensya at bilang ng mga kaso nito.

Gayunman, hindi pa naman masabi ni Abeyasinghe kung ang UK at South African variants ng COVID-19 ang dominanteng variants sa NCR plus.

Dagdag pa nito na ang presensya ng dalawang nabanggit na variants ay naglalagay sa NCR plus sa “very fragile situation” sa kabila ng pagbaba ng naitatalang kaso nitong nakalipas na mga Linggo.

Samantala, tiniyak naman ng WHO na sila’y nakikipagtulungan na sa DOH at Philippine Genome Center para ma-improve pa ang genomic biosurveillance sa bansa at mapaigting pa ang paghahanap sa mga kaso ng India variant cases. Kris Jose