Malakanyang nakiramay sa mga pamilya ng ferry fire victims sa Quezon

Malakanyang nakiramay sa mga pamilya ng ferry fire victims sa Quezon

May 24, 2022 @ 3:40 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagpaabot ng pakikiramay ang Malakanyang sa pamilya ng pitong nasawing kataong lulan ng barkong MV Mercraft 2 malapit sa Baluti Island, Barangay Cawayan sa Real, Quezon ngayong Lunes, Mayo 23.

Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na ang mga namatay ay kinilalang sina Viola Impreso, 47; Marivic Samareta, 61; Edna Balanac, 64; Mina Enciso, 57; Charito Escareces, 57; Crisanto Debelles, 51; at Andy Tejares, 54.

“Nagpapaabot po ng pakikiramay ang Malacañang sa mga taong nawalan ng mahal sa buhay dahil sa trahedyang nangyari malapit sa port ng Real sa probinsya ng Quezon kung saan ang isang passenger vessel ay nasunog,” ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) at acting presidential spokesperson Secretary Martin Andanar.

Nagpaabot ng panalangin si Andanar para sa 24 katao na nasaktan sa insidente para sa mabilis na paggaling nito.

“Pinapanalangin din namin ang mabilis na paggaling ng mga pasaherong nasugutan dahil sa insidenteng ito. Ayon sa Philippine Coast Guard, lahat ng pasahero at mga crew members ay all accounted for,” ayon kay Andanar.

Tiniyak nito sa publiko na nagpapatuloy ang imbestigasyon na madetermina kung ano ang dahilan ng sunog.

Sa ulat, bandang 6:30 a.m. nang magpadala ng distress call ang naturang sasakyang pandagat mula Pilollo patungong Real, Quezon nang magkaroon ng sunog. Sinasabing nagmula ito sa engine room.

Aabot sa 134 katao ang sakay na crew at pasahero ng barko nang mangyari ang insidente.

Pito sa mga pasahero ang nasawi, tatlo ang kritikal sa ospital, 120 ang nailigtas habang 4 pa ang unaccounted.

Lima sa mga binawian ng buhay ay mga babae habang mga lalaki naman ang dalawa pang namatay.

“Naganap ang insidente nang makarating ang barko 1,000 yarda mula Port of Real,” wika ng Philippine Coast Guard (PCG) sa isang paskil sa Facebook kanina.

“Naihatid na sa pinakamalapit na ospital ang anim na pasaherong nangangailangan ng tulong medikal.”

Kasalukuyan pa ring inaapula ang apoy habang nagkakasa ng searcgh and rescue operations ang mga otoridad hanggang msa ngayon.

Naka-tow naman sa pinakamalapit na pampang ng Baluti Island ang naturang vessel, ayon sa pinakahuling ulat ng PCG.

Rumesponde naman na ang apat na MBCA, dalawang RORO vessels at tatlong Coast Guard search and rescue teams sa pinangyarihan ng insidente. Kris Jose