Malakanyang, no comment sa Senate Blue Ribbon report sa Pharmally issue

Malakanyang, no comment sa Senate Blue Ribbon report sa Pharmally issue

February 2, 2022 @ 10:03 AM 8 months ago


MANILA, Philippines – “No comment” ang Malakanyang sa inilabas na rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon Committee na makasuhan ang ilang mga pangalang nadawit sa Pharmally controversy kabilang na si Health secretary Francisco Duque III.

Ang katuwiran ni Acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles partial pa lang naman at hindi pa official ang nasabing report.

Sa ulat, may rekomendasyon kasi na masampahan ng kasong administratibo at kriminal sina Health Secretary Francisco Duque III at dalawang mga dating opisyal ng Procurement Service-Department of Budget ang Management (PS-DBM) dahil sa umano ay maanomalyang kasunduang pinasok sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Sinabi pa ni Nograles na hindi pa adopted ng komite ang rekomendasyon habang wala pa rin namang official copy ang Palasyo tungkol dito kaya’t mahirap magbigay ng komento.

Makabubuti aniyang mghihintay na lang sila ng adopted report ng kumite gayung ang lumalabas na mga impormasyon tungkol dito ay media reports lamang ang basehan.

Ang tanging maipapahayag lamang nila ay ulitin ang unang naging paninindigan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na sampahan na lang ang dapat na sampahan ng kaso at walang sinomang pinoprotektahan na mga sangkot sa kontrobersiya ang Pangulo.

Samantala, nanindigan si Sec. Duque na walang kaugnayan ang Department of Health (DOH) sa mga transaksyon ng Pharmally Pharmaceutical Corporation.

Ito ang binigyang-diin ng kalihim matapos mapabilang sa mga inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee na ipagharap ng plunder at iba pang criminal at administrative cases kaugnay sa maanomalya umanong pagbili ng gobyerno ng pandemic supplies sa Pharmally.

Nakasaad sa partial report na inilabas ni Committee Chairman at Senador Richard Gordon na nilabag ni Duque ang section 2 ng Republic Act 7080 o Plunder Law.

Ayon kay Duque, nakalulungkot na nagbulag-bulagan ang kumite sa katotohanan na isiniwalat noong nagdaang hearing na ang lahat ng procurement para sa COVID-19 response ng bansa ay ginawa sa pamamagitan ng Procurement Service (PS) ng DBM.

Ang naturang ahensya anya ng DBM ang nanguna sa pagbili ng supplies at labas dito ang DOH dahil nakatutok lamang sila sa medical side ng pandemic response.

Sa oras na i-adopt ng kumite ang rekomendasyon, tiniyak ng kalihim na makikipag-ugnayan siya sa korteng hahawak sa kasodahil wala naman siyang itinatago. Kris Jose