Malakanyang: PBBM, wala pang itinatalaga na bagong Pagcor chief

Malakanyang: PBBM, wala pang itinatalaga na bagong Pagcor chief

July 2, 2022 @ 1:15 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nagtatalaga si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng bagong pinuno ng Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor).

Ang paglilinaw ng Malakanyang ay kasunod ng ulat na diumano’y itinalaga na ni Pangulong Marcos si Atty. George Erwin Garcia para pamunuan ang Pagcor.

Itinatwa ni Press Secretary Beatrix Rose “Trixie” Cruz-Angeles ang balitang pagtatalaga kay Atty. Garcia.

“I would like the public to be informed that there is no truth to the statements being made on social media that a certain George Erwin Garcia has been appointed Pagcor chairman. No such appointment has been made,” ani Angeles sa isang kalatas.

Si Garcia, nagsilbing commissioner ng  Commission on Elections sa ilalim ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ay itinalaga bilang Comelec commissioner noong Marso.

Nagkaroon  ng maikling panahon si Garcia sa  poll body  matapos na  i-bypassed ng Commission on Appointments  ang kanyang ad interim appointment noong nakaraang buwan.

Samantala,  nanumpa naman si Adelio Angelito Cruz bilang bagong  Chief of Presidential Protocol ng Malacañan Palace.

Ang  oath-taking ceremony, pinangunahan ni Pangulong Marcos ay isinagawa sa Study Room ng Palasyo ng Malakanyang,  base sa short video clip  na in-upload ng Radio Television Malacañang sa official Facebook page nito.

Bago pa ang kanyang bagong appointment, si Cruz ay  Philippines’ Consul General sa Los Angeles, California  mula 2016 hanggang  2021.

Nagsilbi rin  ito bilang chargé d’affaires of the Philippine Embassy sa Tripoli, Libya.

Gayundin, humawak din siya ng  iba’t ibang diplomatic postings sa Chicago, Abu Dhabi, at China. Kris Jose