Malakanyang sa DOTr: Pagpapakita ng vax card ng mga biyahero ‘wag balewalain

Malakanyang sa DOTr: Pagpapakita ng vax card ng mga biyahero ‘wag balewalain

July 8, 2021 @ 9:02 AM 1 year ago


Manila, Philippines – Nananawagan ang Malakanyang sa Department of Transportation (DOTr) at sa Ninoy Aquino Airport Authority na sundin ang IATF resolution na ang kailangan lamang ipakita ng isang byahero ay vaccination card at wala ng dahilan para magpakita pa ng resulta ng RT-PCR test.

Napaulat kasi na maraming mga pasahero na may dalang vaccination card bilang patunay na “fully vaccinated” laban sa COVID-19 subalit pilit na hinahanapan pa rin ng swab test sa paliparan.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, taliwas ito sa IATF Resolution na nagsasabing basta’t dala-dala ng isang biyahero ang vaccination card ay hindi na kinakailangang hingan pa ng RT-PCR test.

“Iyan po ay taliwas doon sa IATF Resolution na nagsasabi na iyong mga bakunado na basta dala-dala nila iyong vaccination card nila ay hindi na kinakailangang hingian RT-PCR test ‘no.”

Giit ni Sec. Roque na ang resolusyon ng IATF ay resolusyon na inisyu ng Task Force sa ngalan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Aplikable aniyang itoy maipatupad sa lahat ng executive agencies kasama na ang DOTr at ang Ninoy Aquino International Airport o NAIA.

“Ang resolusyon po ng IATF ay resolusyon na inisyu ng IATF sa ngalan po ng Presidente. It is binding on all executive agencies and offices kasama po diyan ang DOTr at ang Ninoy Aquino International Airport,” lahad pa ni Sec. Roque.

Kaya nga, ang kinakailangan lang aniya na ipakita ng mga travellers ay ang kanilang mga vaccination card at wala ng RT-PCR test. Kris Jose