Malakanyang sa DSWD: Natirang P10B sa SAP, ipamigay sa pamilyang ‘di nakatanggap

Malakanyang sa DSWD: Natirang P10B sa SAP, ipamigay sa pamilyang ‘di nakatanggap

September 24, 2020 @ 3:47 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na dapat gamitin ng Department of Social Welfare and Development ang natitirang P10 billion sa ilalim ng COVID-19 emergency cash assistance program para tulungan ang mga mahihirap na sambahayan at vulnerable sectors.

“Dahil ‘yan po ay naibigay na ng Kongreso, kung pupwede nga po ay ibigay pa po ‘yan doon sa mga pamilya na hindi pa nakatatanggap ng second tranche,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.

Sa ulat, hindi lang mga senador ang nagulat sa report ng DSWD na may P10 bilyon pa itong natitira mula sa pondo para sa Social Amelioration Program (SAP).

Sa budget hearing ng Senado, sinabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez na nagulat din siya sa ulat ng DSWD kaya pag-uusapan nila ito sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) na binubuo ng economic managers ng administrasyon.

Sa hearing, sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na sana ay napakikinabangan ang nakatenggang pera ng DSWD.

Aniya, ang hindi paggamit ng ganito kalaking halaga ay salungat sa patakaran ng gobyerno na maglabas ng pondo ngayong may pandemya para masindihan ang ekonomiya.

Idiniin naman ni Dominguez na ang ‘di nagalaw na P10 bilyon ay bahagi lamang ng bilyon-bilyong halaga ng naipamigay nang ayuda ng gobyerno para sa mga naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Tinukoy ng kalihim ang P200 bilyon para sa SAP at P40 bilyon na ayuda na idinaan sa Social Security System (SSS) at Bureau of Internal Revenue (BIR). Kris Jose


  •  
  •  
  •  

Loading...