Malakanyang sa Kongreso: Oil deregulation law, rebyuhin

Malakanyang sa Kongreso: Oil deregulation law, rebyuhin

March 15, 2022 @ 12:40 PM 4 months ago


MANILA, Philippines- Para sa Malakanyang, panahon na para rebyuhin ng Kongreso ang oil deregulation law.

Kasunod ito ng patuloy na pagtaas sa presyo ng langis at global supplies na tinamaan ng nagpapatuloy na labanan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Sa isang panayam, sinabi ni Acting Cabinet Secretary Melvin Matibag na nakatakdang talakayin ng Department of Energy (DOE) at Department of Finance (DOF) kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte, Martes ng gabi, ang panawagan na suspendihin ang fuel excise tax kasunod ng fuel price hikes na ipinatupad linggo-linggo.

“I think tonight, when the President meets with the Cabinet members, a more solid decision and a more compelling answer will be given to the public. I think tungkol sa oil subsidy will already be out after that meeting,” ani Matibag.

“The President also mentioned that they might call for an emergency session for the Congress. There should be some legislation to address this looming problem,” dagdag na pahayag na ito.

Sa ulat, epektibo ngayong araw ng Martes, nagpatupad ng panibagong major price hike ang mga kompanya ng langis. Ito ang pang-11 “straight week” ng pagtataas sa domestic pump prices kung saan pumalo sa P84.55 kada litro sa ilang piling lugar sa bansa.

Ang presyo kada litro ng gasolina ay tumaas ng P7.10; diesel ng P13.15, at kerosene ng P10.50, epektibo ngayong araw, Marso 15.

At nang tanungin kung may magagawa si Pangulong Duterte na ipagpaliban ang taas sa presyo ng produktong petrolyo, sinabi ni Matibag na, “I’m sure it’s in the agenda of the President later today when they will meet with the Cabinet. But the problem is alam naman natin na there’s an oil deregulation law that’s been a problem a long, long time ago. So, it should be addressed.”

“Siguro what should we do with this problem is to amount with a solution. Not only a short-term solution but a long-term one. Maybe time for Congress to take a look at the oil deregulation law if it still serves the public interest,” dagdag na pahayag nito.

Nauna rito, hiniling ng Malakanyang sa Kongreso na pag-aralan ang Oil Deregulation Law sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Ito ang isa sa mga solusyon ng bansa para maging handa sa mga epekto ng sigalot sa pagitan ng Ukraine at Russia, na inaasahang makakaapekto sa presyo ng langis sa world market.

Bukod pa sa kabilang kasi ang nasabing batas sa medium-term measures na napagkasunduan na i-review sa ginawang special meeting ni Pangulong Duterte sa matataas na opisyal ng gobyerno.

Matatandaan na tinanggal sa nasabing batas ang kontrol ng gobyerno sa mga kompanya ng langis upang mas magkaroon ng kompetisyon at mapababa ang presyo ng mga produktong petrolyo. Kris Jose