Manila, Philippines – Pinayuhan ng Malakanyang ang mga kritiko ng administrasyon na mag-aral ng Math dahil hindi matanggap ang mataas na ratings ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte at pagkuwestiyon sa ginawang basehan ng Pulse Asia.
Sa June 15 hanggang 21 survey o bago ang “stupid God” na pahayag ng Pangulo, nakakuha ito ng approval rating na 88% at trust rating na 87%.
Tinawag na inggitero ni Special Assistant to the President (SAP) Bong Go si Senator Antonio Trillanes nang sabihin ng senador na mataas ang ratings ni Pangulong Duterte sa latest Pulse Asia dahil pawang mga taga-Davao ang tinanong sa survey.
Ayon kay Go, malinaw sa survey na walo sa sampung Pinoy ang patuloy na nagtitiwala sa Pangulo.
Patunay lamang aniya nararamdaman ng mayorya ng taumbayan ang mga ginagawang programa at proyekto ng gobyerno kaya nananatiling mataas ang trust ratings ni Pangulong Duterte.
Mismong tao na aniya ang nakakaalam kung may nagagawa ba ang pamahalaan o wala.
Sa ulat, sinabi ni Senador Trillanes na wala siyang bilib sa mataas na approval at trust ratings na nakuha ni Pangulong Duterte sa pinakahuling survey ng Pulse Asia.
Ayon sa senador, hindi nakuha ng Pulse Asia ang totoong pulso ng bayan ukol kay Duterte dahil ang tinanong sa survey ay mga taga-Davao City na umano’y takot at bulag na tagasunod ng Pangulo.
Para naman kay Akbayan Rep. Tom Villarin, ang pagtaas ng ratings ni Pangulong Duterte ay pang-boost lang ng ego nito at ng gobyerno pero hindi nagpapakita ng katotohanan.
Bagaman pinataas anya ng survey ang ego ng administrasyon, hindi naman umano nito mababawasan ang pagiging mahirap at gutom ng mga tao. (Kris Jose)