Malakanyang sa publiko: Antabayanan ang epekto ng donasyong COVID vax ng US sa VFA

Malakanyang sa publiko: Antabayanan ang epekto ng donasyong COVID vax ng US sa VFA

May 31, 2021 @ 7:45 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Pinayuhan ng Malakanyang ang publiko na hintayin kung makaaapekto ang donasyong COVID-19 vaccines mula sa Estados Unidos sa troop deal nito sa Pilipinas.

“We still have to receive the vaccines to begin with,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque nang tanungin kung paano makaaapekto ang US vaccine donation sa posisyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Manila at Washington.

“First and foremost, hindi pa natin alam kung meron talagang darating at kung ilan, at ilan ang darating. So, hintayin muna natin na dumating,” aniya pa rin.

“The President has been pondering on the issue and has a bigger framework of analysis. And let’s just await his decision because he is the only one who can decide on this matter,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

Ang Estados Unidos ay natatanging defense ally ng Pilipinas.

Samantala, kabilang ang Pilipinas sa first batch ng mga bansang mabibigyan ng vaccine donation ng Estados Unidos.

Sinabi ni Philippine Ambassador to US Jose Romualdez, naabisuhan na siya ng White House hinggil sa naturang inisyatibo ng amerika.

Iyon nga lamang ay hindi naman masabi ni Romualdez kung ilan mula sa 80 million doses na donasyon ng Amerika ang maibibigay sa Pilipinas.

Tiniyak ni Romuladez na puwede aniyang malaman sa linggong ito kung ilan ang maibabahaging donasyon sa Pilipinas at kung kailan sa pamamagitan na rin ng gagawing anunsiyo ni US President Joe Biden.

Ang hakbang na ito ng Amerika ay programa para sa mga nangangailangang bansa sa buong mundo at para sa mga kaalyado.

Siniguro ni Romualdez na “No strings attached” ang gagawing donasyon ng bakuna at ang naturang hakbang ani Romualdez ay paraan ng pagtulong ng Amerika sa mga bansang nangangailangan ng asiste sa gitna ng patuloy na paglaban ng buong mundo sa virus. Kris Jose