Malakanyang sa publiko: Pekeng alok na posisyon sa gobyerno dedmahin

Malakanyang sa publiko: Pekeng alok na posisyon sa gobyerno dedmahin

January 29, 2023 @ 3:36 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinayuhan ng Malakanyang ang publiko na huwag maniwala sa mga manloloko na nag-aalok ng posisyon sa pamahalaan.

Ito’y makaraang mabiktima ang walong ‘Palace appointees’ ng cash-for-hire scam.

Sinabi ng mga nabiktima na nakatanggap sila ng  correspondence mula sa nagngangalang Undersecretary Eduardo Diokno at Assistant Secretary Johnson See mula sa Office of the Executive Secretary kung saan ipinaaalam sa mga ito ang kanilang oath taking ceremony  kay Pangulong  Ferdinand Marcos Jr.

“The Office of the President cordially invites you to attend the oath taking ceremony to be presided by His Excellency President Ferdinand R. Marcos Jr. at the Rizal Hall, Malacañang Palace, two o’clock in the afternoon, Monday, 5th of December 2022,” ang nakasaad sa liham na naka- address sa isa sa mga biktima.

Gayunman, sinabi ni Senior Deputy Executive Secretary Hubert Guevara na walang oath taking na nakatakda sana nito lamang araw ng Biyernes, Enero 27. Malinaw na ang mga biktima ay nahulog sa bitag ng mga manloloko.

Sinabi ng Malakanyang na ang mga biktima ay duda na  sa authenticity ng  appointments at oath taking  matapos na mapansin ng mga ito ang ilang ‘inconsistencies’ sa impormasyon na ibinigay sa kanila ng mga fraudsters, subalit tumuloy pa rin sila sa Malakanyang.

Sinabi pa ng mga biktima na nagbigay sila ng malaking halaga para makasungkit ng posisyon sa gobyerno.

Sinabihan din sila ng scammers na uupo sila sa mga sumusunod na posisyon: “ambassadorial post to The Netherlands, Department of Transportation assistant secretary, Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) board member, Clark International Airport Corporation (CIAC) president and chief executive officer (CEO), Early Childhood Care and Development Council executive director and vice chairperson, Clark Development Corp. (CDC) director and Port of Batangas manager.”

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang  National Bureau of Investigation (NBI) sa nasabing insidente.

Samantala, umapela naman ang Malakanyang sa mga biktima na makipagtulungan sa mga awtoridad na nagsasagawa ng  imbestigasyon. Kris Jose