Malakanyang sinagot si Chiz: Bulacan airport ecozone pwedeng i-veto ni PBBM

Malakanyang sinagot si Chiz: Bulacan airport ecozone pwedeng i-veto ni PBBM

July 7, 2022 @ 11:31 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Maaaring i-veto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang batas na ipinasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa panahon ng nakaraang administrasyon.

“The President can veto, that is the stand,” ayon kay Press Secretary Beatrix Rose “Trixie” Cruz-Angeles sa isang press briefing.

Tugon na rin ito ng Malakanyang sa naging pahayag ni Senador Francis Escudero na isang “unique legal quandary” ang ginawang pag-veto ni Pangulong Marcos sa isang batas na magtatatag ng isang special economic zone at freeport adjacent sa panukalang airport city sa Bulacan province.

Sa isang Twitter post, araw ng Linggo, sinabi ni Escudero na hindi siya sigurado kung may kapangyarihan si Pangulong Marcos na i-veto ang batas na “passed by the previous Congress” o sa panahon na nananatili pa ring nakaupo ang kanyang predecessor, di dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

“If he can’t sign it (because the signatories will be composed of past/present officials that didn’t serve at the same time), can he veto it? It(‘s) a unique legal quandary,” aniya pa rin.

Tinukoy ang 1987 Constitution, sinabi ni Cruz-Angeles na “it is very clear” that it has “no indication as to whether it is the sitting President or the former president who can sign bill into law.”

“So, since there is no distinction made in the Constitution, neither do we make such a distinction,” dagdag na pahayag ni Cruz-Angeles .

Kamakailan ay bineto ni Pangulong Marcos ang isang panukalang nagtatag ng Bulacan Airport City Special Economic Zone.

Nakita nito ang “fiscal risks” at ang “kakulangan ng pagkakaugnay” nito sa mga batas ng bansa.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Marcos na hindi siya lalagda sa isang panukala na nagdudulot ng “substantial fiscal risks sa bansa.”

Idinagdag niya na ang House Bill No. 757 ay “lumabag” sa awtoridad ng mga ahensya ng gobyerno.

Sinabi ni Marcos na ang iminungkahing batas ay walang mga probisyon sa pag-audit para sa Commission on Audit, hindi ipinaliwanag kung paano ito kukuha ng mga lupain para sa mga benepisyaryo ng repormang agraryo, at nagbigay ng “blanket powers” sa economic zone authority sa technical airport operations at environmental protection “not found” sa Constitution.

Ang ecozone ay itatayo sana sa loob ng Bulacan airport complex, ang prangkisa para sa operasyon nito ay ibinigay sa San Miguel Corp.

Ang bagong P740-bilyong internasyonal na paliparan ay magkakaroon ng kapasidad na 100 milyong pasahero bawat taon.

Nauna nang sinabi ng San Miguel na ang proyekto ay maaaring makabuo ng “mahigit isang milyong” direct at indirect jobs. Kris Jose