Malakanyang, umaasa sa katarungang maibibigay sa pamilya Lapid

Malakanyang, umaasa sa katarungang maibibigay sa pamilya Lapid

November 7, 2022 @ 4:19 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Umaasa ang Malakanyang na mabibigyan ng katarungan ang pamilya ng batikang mamamahayag na si Percy Lapid kasunod ng paghahain ng murder complaint laban sa suspendidong si Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag at iba pa kaugnay sa pagpatay dito.

Sinabi ng Office of the Press Secretary na batid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paggulong ng kaso.

“He (Marcos) is very much aware of the situation. Hopefully, it will pave the way para talagang justice will be served to the family of Mabasa,” ayon kay Officer-in-Charge Undersecretary Cheloy Garafil.

Kaugnay nito, nagsampa na ng reklamo ang Philippine National Police at National Bureau of Investigation laban kay Bantag at iba pang sangkot sa pagpaslang sa broadcaster na si Lapid at umano’y middleman na si Jun Villamor.

Sinabi ni Justice secretary Jesus Crispin Remulla na ang hepe ay nasuspinde noong Oktubre kasunod ng pagkamatay ni Villamor sa New Bilibid Prison.

Isa rin aniya si Bantag sa 160 personalidad na ikinokonsiderang persons of interest ng pulisya.

Nabatid na umamin ang gunman na si Joel Escorial, na isang nagngangalang “Bantag” ang nagbigay ng utos na patayin si Lapid.

Samantala, matatandaang sinabi ni Marcos na hindi siya kumbinsido na natural causes ang sanhi ng pagkamatay ni Crisanto Villamor, ang bilanggo sa New Bilibid Prison na sinasabing middleman sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid. Kris Jose