Malakas na ekonomiya iiwan ng administrasyong Duterte

Malakas na ekonomiya iiwan ng administrasyong Duterte

April 6, 2022 @ 9:57 AM 3 months ago


MANILA, Philippines – Siniguro ng Malakanyang na “malakas na ekonomiya at maganda ang tinatahak” ang iiwan ng administrasyong Duterte na magtatapos ang termino sa Hunyo 2022.

Sa isinagawang Economic briefing, tinuran ni Executive Secretary Salvador Medialdea na bagamat nananatili pa rin ang hamon dahil sa presensiya ng pandemya ay wala aniyang duda na nakapaghulma na ang gobyerno ng mas maayos na kinabukasan para sa ekonomiya ng bansa.

Sinabi pa ni Medialdea na patuloy na makikipagtulungan ang Duterte Administration para sa mas maayos na transition at aalis sa kapangyarihan na naihanda na ang mas malakas na pundasyon na may kinalaman sa inclusive at sustainable economic growth.

Ayon pa kay Medialdea, sa loob aniya ng anim na taon ay nagpatupad ang Administrasyon ng game changing reforms para maisulong ang pag- usad ng ekonomiya na hindi lamang aniya nasukat ng mga datos kundi higit sa lahat ay naramdaman ng mga filipino.

Tinuran pa ni Medialdea na napigilan ang pag- angat na ekonomiya ng bansa dahil sa pandemya ngunit ito aniya’y pansamantala lamang at nakausad naman uli ang bansa dahil sa mga repormang nailatag na kahit wala pa ang COVID 19 na nakapaloob sa zero to 10 point socio – economic agenda ng gobyerno. Kris Jose