Malaking bahagi ng bansa uulanin sa trough ng LPA

Malaking bahagi ng bansa uulanin sa trough ng LPA

December 9, 2022 @ 6:30 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inaasahang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm dulot ng trough ng Low Pressure Area (LPA) ang malaking bahagi ng bansa.

Ito ang sinabi ng PAGASA nitong Biyernes, Disyembre 9 kung saan kabilang sa mga lugar na ito ay ang Mindanao, Visayas, Bicol Region, Oriental Mindoro, Marinduque, Romblon, Quezon, Rizal, Laguna at Batangas.

Sa huling ulat ng PAGASA nitong 3 a.m., ang LPA ay huling namataan 610 kilometro silangan ng Hinatuan, Surigao del Sur.

Samantala, makaaapekto rin ang shear line ng LPA sa iba pang lugar sa bansa katulad na lamang ng Cagayan, Apayao, at Ilocos Norte na magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm.

Ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon ay magkakaroon din ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm dulot ng shearline at localized thunderstorm. RNT/JGC