Malaking bahagi ng bansa, uulanin

Malaking bahagi ng bansa, uulanin

August 11, 2018 @ 8:46 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Bumilis nang bahagya ang Tropical Storm Karding (international name Yagi) sa 25 kilometro kada oras habang patungo itong Hilagang Kanluran ngayong umaga ng Sabado.

Sa huling tala ng PAGASA, namataan ang bagyo sa layong 990 kilometro Silangan-Hilagang Silangan ng Basco, Batanes na may napanatiling lakas ng hangin na 75 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 90 kilometro kada oras.

Nauna nang nag-abiso ang PAGASA na posibleng lumabas na ng Philippine Area of Responsibility si Karding mamayang gabi.

Samantala, isang tropical depression naman ang namataan sa labas ng bansa sa layong 1,040 kilometrong Kanluran ng extreme northern Luzon ngayong umaga.

Taglay nito ang hanging may lakas na 55 kilometro kada oras at pagbugsong aabot sa 75 kilolmetro kada oras habang patungo naman ito sa Hilagang-Hilagang Silangan sa bilis na 15 kilometro kada oras.

Bagama’t parehong hindi tatama sa lupa, palalakasin naman nito ang Southwest Monsoon o ang hanging Habagat na magdadala ng katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan sa Metro Manila, Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, CALABARZON at MIMAROPA.

Ang Habagat din ang magdadala ng maulap na kondisyon na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Bicol Region, Western at Eastern Visayas at nalalabing bahagi ng Cagayan Valley Region. (Remate News Team)