MALAKING LGU BUDGET UGAT NG MATINDING POLITICAL RALLY

MALAKING LGU BUDGET UGAT NG MATINDING POLITICAL RALLY

March 25, 2022 @ 10:24 AM 3 months ago


UMPISA na ngayong araw ang kampanya ng mga tumatakbo sa lokal na posisyon mula gobernador hanggang konsehal ng bayan at inaasahang lalo pang iinit ang girian sa pulitika habang papalapit ang eleksyon sa Mayo 9, 2022.

Panandaliang isantabi muna ang labanan sa pagka-Pangulo, Bise-Presidente at Senador bunsod sa mula pa noong nakaraang taong nag-simulang lumutang ang mga kandidato sa mga puwestong ito. Hindi rin nawala sa bawat  tsismisan at sentro ng usap-usapan ang mga pambato ng pulahan at dating dilawang nagkunwaring kulay rosas na.

Hindi malaking problema sa panig ng otoridad ang bakbakan ng mga kandidato sa nasyunal dahil noon pa man, tanging pagalingan ng propaganda at patibayan ng kampanya ang karaniwang kaganapan para makumbinsi ang nakararaming botante.

Subalit ang banggaan sa napipintong lokal na halalan ang malaking hamon ngayon sa pamunuan ng kapulisan at militar. Pinaniniwalaang magiging magulo ito lalo na sa itinuturing na areas of immediate concern na anomang oras ay posibleng sumiklab ang karahasan.

Ayon sa ilang eksperto, ang pagpapatupad ng Mandanas Ruling o malakihang karagdagang pondo sa LGUs ngayon taon sa pamamagitan ng taunang Internal Revenue Allotment (IRA) ang mag-uudyok pa sa mga buwayang kandidatong puntiryahin ang mga posisyong ‘yan upang makulimbat ang nakalululang pondo ng mga probinsya, syudad at bayan.

Hindi ba’t mistulang napakatamis na mapulang mansanas ang 30 porsyentong idinagdag na pondo sa IRA ng bawat LGU kaya naman sukdulang makipag-alyansa kay satanas ang mga kandidatong mamumudmod ng kwarta, takutin ang mga botante at higit sa lahat patayin ang mga lider ng kanilang kalaban upang tuluyang masungkit ang inaasam-asam na puwesto?

Magkano lang ba ang gastos ng karamihan sa mga mandarambong na politiko upang ibili ng armas para sa kanilang Private Armed Groups kumpara sa makukubra nitong nakalululang pondo ngayon?

Susmaryusep, alikabok lang ang ipamimigay na kwarta ng mga animal sa mga botanteng batid ng lahat na limpak-limpak na tubo pa rin ang kikitain nito sakaling palaring manalo ngayong halalan.

Ibig sabihin, hangarin man ng gobyernong maibsan ang kahirapan sa pagpapatupad ng Mandanas Ruling subalit hindi pa rin maisasakatuparan ito bunsod sa karamihan sa mga politiko ay maiitim ang budhing tumbok ang makulimbat lang ang pera ng taumbayan.