MALAKING RESPONSIBILIDAD KAPAG MARAMING PROGRAMA

MALAKING RESPONSIBILIDAD KAPAG MARAMING PROGRAMA

October 14, 2022 @ 1:34 AM 2 months ago


AMINADO ang ilang senador na mahirap ang trabaho ng isang kalihim ng Department of Social Welfare and Development lalo na’t itinuturing itong takbuhan ng mga nangangailangang mahihirap na kababayang umaasa na lang ng lahat ng tulong mula sa gobyerno.

Mula sa ayudang medical, burial, educational, social pension,pantawid, kalahi, livelihood at iba pang tulong na sadyang ipinatutupad ng pamahalaan upang maibsan ang kahirapan nang nakararaming kababayang salat sa pamumuhay,marahil ay hilong-talilong ang mga kawani nito sa pagsisilbi sa mga benepisyaryo.

Higit sa lahat, mas malaking responsibilidad ang nakaatang sa balikat ng kalihim ng DSWD na si Secretary Erwin Tulfo bilang pangkalahatang pinuno ng ahensyang saksakan ng iba’t-ibang programa.

Ang tanggapan ni Tulfo ang itinuturing na isa sa pinakamalaking departamento sa gobyerno na direktang tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan lalo na sa panahon ng krisis.

Hindi ba’t kapag may kalamidad ay inuuna ng bawat isa na seguruhin na ligtas ang kanilang pamilya samantala agarang iniiwan ng mga empleyado ng DSWD ang kaanak nila upang magsagawa ng relief operations upang mapakain ang mga apektadong mamamayang walang inaasahang kakalinga maliban sa ahensyang ito?

Kaya naman naging kalakaran na sa ahensyang mabilis pa sa alas kuwatrong rumeresponde sa pangunguna ni Tulfo sa ano mang sakuna kagaya ng lindol sa Abra at mga nasalanta ng bagyong sa “Karding” sa CALABARZON, Pampanga at iba pang lugar sa Luzon,upang pamunuan ang pamamahagi ng pagkain.

Batid ng sambayanan na taos-pusong ginagampanan ng itinuturing na “tatay” ng ahensya ang trabaho ni Tulfo bilang ulirang public servant na patuloy na tumutugon ng pangangailangan nang nakararaming kababayang higit na umaasa ng ayuda mula sa gobyerno.