Malaking sindikato sa likod ng fake access pass sa NAIA, posible

Malaking sindikato sa likod ng fake access pass sa NAIA, posible

December 2, 2022 @ 12:06 PM 2 months ago


Sinabi ni Bureau of Immigration (BI) spokesperson Dana Sandoval na hindi na bago ang  problema sa paggamit ng mga pekeng access pass sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

“I believe so po kasi in the past nakapag-intercept na po ang Bureau as early as 2014 ng mga ganitong pangyayari. Kaya nakikita namin na ito ay isang paulit-ulit na problema. Mawawala po siya kapag nahuhuli, babalik na naman po after a while. It’s really a cause for concern,” pagbunyag pa ng opisyal.

Nauna nang ibinunyag ni Senador Risa Hontiveros ang kaso ng 12 overseas Filipino worker na nasagip mula sa isang Chinese syndicate na nakabase sa Myanmar.

Nilinaw din ni Sandoval na hindi dumadaan sa BI ang “modus” dahil ginamit ng mga escort at biktima ang pasukan para sa mga empleyado at iba pang entry points.

“Nakakadiretso po sila doon sa boarding gate na nagpapanggap na empleyado sila ng iba’t ibang concessionaires sa loob ng airport,”paliwanag pa ni Sandoval.

Nang tanungin tungkol sa posibleng pananagutan ng mga security personnel, sinabi ni Sandoval na nananawagan ang BI ng komprehensibong pagsisiyasat sa bagay na isinasaalang-alang na maaaring may kasabwat sa gobyerno at pribadong empleyado.

Sabi ni Sandoval, tila may malaking sindikato sa likod nito. RNT