MALALAKING BODEGA NG FOOD PACKS UNA SA DSWD

MALALAKING BODEGA NG FOOD PACKS UNA SA DSWD

August 26, 2022 @ 8:14 AM 1 month ago


HINDI  lang nakatutok ngayon si Department of Social Welfare and Development Secretary Erwin Tulfo sa malawakang pamimigay ng ‘educational assistance’ sa mahihirap na estudyante sa kasuluk-sulukan ng bansa sa halip ay inatasan na rin nito ang matataas na opisyal ng iba’t-ibang field office na makipag-ugnayan sa Local Government Units upang magkaroon ng malalaking warehouse na iimbakan ng pagkain at hygiene kits.

Layunin ng kalihim na may sapat na food packs sa mga bodega lalo na sa mga isla upang anomang oras na tumama ang hindi inaasahang mala- delubyong bagyo ay may kaukulang pagkain ang mga apektadong residenteng at hindi na maghihintay ng suplay mula sa regional centers.

Bagaman naging kalakaran na ang lokal na pamahalaan ng bawat bayan at lalawigan ang unang tumutugon sa pangangailangan ng nasasakupan nito sa panahon ng kalamidad, polisiya ngayon ni  Tulfo na ang mga kawani ng DSWD ang first responders upang agarang matugunan ang mga suliranin ng mga tinamaan ng sakuna.

Patunay  ang mabilisang pagtungo ng kalihim sa Abra at iba pang lalawigan sa Norte matapos yanigin ng 7.1 magnitude na lindol may ilang linggo na ang nakaraan kung saan personal na pinangasiwaan niya ang pamamahagi ng tulong sa mga apektadong pamilya alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na maagap na pag-kalinga sa taumbayan.

Samantala, kasabay din na inatasan ni Tulfo ang ilang opisyal ng kagawaran na magbukas ng karagdagang Assistance to Individuals in Crisis Situation Satellite  office sa mga probinsya upang maibsan ang mahahabang pila ng mga pobreng mamamayan na humihingi ng burial at medical na tulong sa ahensya.

Batid ng Kalihim na kailangan maramdaman ng higit na nakararaming kababayan ang pagkalinga ng gobyerno sa gitna ng krisis na pinagdadaanan nito lalo ‘t unti-unti pa lang na bumabangon ang bansa mula sa hagupit ng pandemya.

Anoman ang sabihin ng mga bumabatikos kay Tulfo, hindi matatawaran ang malinis niyang hangarin mula noong brodkaster pa ito na mapagsilbihan ang sambayanan sa lahat ng oras.

Anomang puna o suhestiyon itex sa 09999388537/email [email protected]