MALALIM NA PAGSISIYASAT SA BILIBID (Part 1)

MALALIM NA PAGSISIYASAT SA BILIBID (Part 1)

October 27, 2022 @ 5:15 PM 1 month ago


IPINASUSPINDE ni Pangulong Bongbong Marcos si Bureau of Corrections (BuCor) director general Gerald Bantag kasunod nang pagkamatay ng sinasabing middleman sa pagpatay kay broadcaster Percy Lapid.

Natagpuang patay sa hindi “matiyak na dahilan” si Jun Globa Villamor sa kanyang selda, ilang oras lamang matapos humarap sa media si Joel Escorial, ang sumuko at umaming gunman ni Lapid.

Sinabi ni Escorial sa pulisya na kinontrata siya ng isang “Crisanto Palana Villamor”, isang preso sa New Bilibid Prison (NBP), para patayin si Mabasa sa halagang P550,000.

Unang sinabi ng NBP sa pulisya ng Las Piñas na walang tao na may ganoong pangalan sa kanilang pasilidad subalit paliwanag ni Remulla, may tatlong magkakaibang pangalan si Villamor, at Jun Globa Villamor ang pangalan niya sa NBP record.

Pumapasok tuloy sa ating isip ang maraming pagdududa.

Kung mapatutunayang “may foul play” sa kamatayan ni Villamor, ang mga nasa likod ng pagpatay kay Lapid ay nangangahulugang nauna ng isang hakbang sa mga pulis na nagsisiyasat. Ang pag-asa kasi na makilala ang “utak” sa krimen ay lumabo nang mamatay ang sinasabing middleman.

Kaya ang utos ni Pangulong Marcos na alisin muna si Bantag sa NBP ay malaking hakbang para mahukay ang lalim nang pagpatay kay Lapid.

Hindi lang kay Lapid, ang hakbang ng Pangulo na pagsuspinde kay Bantag ay dapat ding humantong sa mas malawak na pagsisiyasat sa pagkamatay ng ilang convicts sa NBP, kabilang ang ilang high-profile inmates na umano’y natigok sa COVID-19.

Wala nang makapagkuwestyon dito dahil agad na sinunog ang kanilang mga bangkay. Sa ilalim ng termino ni Bantag, ang BuCor ay nakapagtala ng pinakamataas na bilang ng mga bilanggo na namatay bawat taon mula noong 1990.

Nitong pagsisimula ng pandemya, ang BuCor ay nagtala ng 1,082 pagkamatay. Karamihan ay kaduda-duda.

Ang isa pang nakababahala ay kung paano nagagawang ayusin ng isang preso ang pagpatay mula sa kanyang selda sa loob ng maximum security compound ng NBP sa pamamagitan ng pagkontak sa inupahang killer sa labas?

Kasabwat ba ang mga opisyal ng NBP o sadyang wala silang kaalam-alam at pabaya sa mga karumal-dumal na aktibidad na ito na ginagawa sa harap ng tungki ng kanilang mga ilong?
(May karugtong)