MALALIM NA PAGSUSURI SA  BUMABAGSAK NA EROPLANO

MALALIM NA PAGSUSURI SA  BUMABAGSAK NA EROPLANO

July 6, 2021 @ 8:57 AM 1 year ago


TAO ba o mismong mga eroplano ang may diperensya sa nagbabagsakang mga helikopter at eroplano ng Armed Forces of the Philippines?

O meron bang ibang mga dahilan?

Ito ang ilang mahahalagang tanong na dapat ilapat sa nagbabagsakang eroplano.

Sinasabing simula noong unang araw ng taong ito, dalawang helikopter at isang C-130 na ang bumagsak.

SUMABOG SA GABI

Itong S-70i Black Hawk Utility Helicopter na inasembol sa Poland pero lisensyado ng Sikorsky Aircraft na kompanyang Amerikano , ng 205th Technical Helicopter Wing ng PAF, ay sumabog at basta narinig lang ng mga tao sa paligid nang bumagsak sa kabundukan ng Brgy. O’ Donnel sa Capas, Tarlac.

Walang nakakita kung paano ito bumagsak at naalarma lang ang mga awtoridad ng PAF sa Clark Air Base nang hindi ito bumalik sa oras na inaasahang pagbabalik nito.

Nagsasanay lang umano ang mga PAF personnel ng chopper, kahit gabi, dahil bago lang ito at dapat malaman kung paano ito gamitin kahit sa gabi para sa mga oras ng pangangailangan.

Umaga na nang may balita ukol dito.

ANG C-130 CARGO PLANE

Itong C-130 na nagawa noong 1988 ay bumagsak sa Brgy. Bangkal, Patikul, Sulu nitong Linggo dakong 11:30 ng umaga.

Nakababa na umano sa airport ngunit hindi nasakto sa runway kaya tinangka ng piloto na iangat muli ito ngunit huli na at bumangga na sa mga puno at kabahayan sa paligid.

Bukod sa 96 katao, may karga rin umano itong mga sasakyan ang eroplanong inilagay sa junkshop noong 2016 ngunit ibinenta sa atin makaraan.

Sumabog saka nagliyab ang eroplano at mapalad ang mga sundalong nagsitalunan bago maganap ito.

NAUNANG MGA CRASH

Kitang-kita ng mga tao sa Barangay Bulonay sa Impasugong, Bukidnon ang pagbagsak ng Huey UH-1H noong Enero 16, 2021 dakong 2:22 ng hapon.

Bumulusok, una ang nguso, ang helikopter nang madisgrasya ito bago makarating sa isang kampo militar na pagdadalhan sana ng mga suplay ng mga sundalo.

Gawa umano noong pang 1955-1976 ng Bell Corporation sa United States.

Noon namang Abril 27, 2021, 9:30 ng umaga, tinetesting para sa maintenance ang MG-520 attack helicopter nang bumagsak sa dalampasigan ng dagat sa Jetape, Bohol.

Gawa naman ang helikopter na ito ng McConnel Douglas noong 1980’ at binili ng Pinas noong Abril 1990.

SAYANG NA BUHAY

Lahat ng sakay ng Huey UH-1H na pinamunuan ni Lieutenant Colonel Arnie Arroyo  ay nasawi.

Kasama ni Arroyo ang 3 PAF personnel, isang miyembro ng Philippine Army at dalawang CAFGU member sa eroplanong gawa pa noong 1967 ng Bell Corporation at ginamit sa Vietnam war.

Namatay naman si Captain Aurelios Olano sa bumagsak na MG-520 at nakasurbayb naman, kahit nasugatan ang tatlo pang kasama nito.

Namatay naman lahat ang anim na sakay ng Sikorsky S-170 Black Hawk na pinamunuan ni Lieutenant Colonel Rexzon Pasco PAF.

Nasa 52 naman ang namatay sa bumagsak na C-130 na may sakay 96 katao, karamihan mga miyembro ng militar na dagdag-pwersa laban sa Abu Sayyaf sa Sulu.

Kasama sa mga namatay ang tatlong sibilyan na nasagasaan at nasabugan nito.

Bukod sa sayang na mga buhay, bilyones ding buwis ng bayan ang ipinambili sa mga ito na nasayang din.

LUMA AT BAGO

Maliban lang sa Sikorsky Black Hawk chopper, matatanda na ang ibang mga bumagsak na eroplano.

Kaya naman, para sa mga luma na iniahon sa mga junkshop, hindi kaya may depekto ang mga ito?

Subalit, ang Sikorsky ay mga bago.

Human error ba naman kaya ang dahilan ng disgrasya?

Sa kabilang banda, ke luma o bago, may mga bumabagsak talaga sa mga ito.

Kaya naman, magandang pag-aralan nang husto ang mga dahilan ng mga disgrasya.

Alamin ang mga depekto ng mga eroplano at mga kakayanan ng mga tao na mag-operate sa mga ito.

Kung paisa-isa lamang ang mga nadidisgrasya o bibihira sa loob ng isang taon, medyo magaan-gaan ang pagsilip ng mga mamamayan .

Pero kung apat na ang sunod-sunod na pagbagsak na laging may mga namamatay, hindi na pupwedeng palagpasin.

Isang tanong ng ating Uzi, bakit walang nakaiisip na mag-parachute sa mga sakay ng mga eroplano?

Ibang usapan siyempre sa nangyari sa C-130 na nakasayad na sa lupa kaya nakatalon ang maraming sundalo palabas nito.

Pero hindi kaya overloaded ang eroplano?

May baon bang parachute ang mga sakay ng mga helikopter o wala?

At gaano kahusay ang training ng mga ito na lumabas nang mabilisan para tumalon para maligtas sa kamatayan?