Malalimang imbestigasyon, ikinasa ng MPD sa nagpaputok na babaeng negosyante

Malalimang imbestigasyon, ikinasa ng MPD sa nagpaputok na babaeng negosyante

October 24, 2022 @ 6:16 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagpapatuloy ang malaliman at masusing iniimbestigahan ngayon ng Manila Police District (MPD) ang pagpapaputok ng isang negosyante sa Sampaloc, Maynila madaling araw ng Lunes, Oktubre 24.

Batay sa report ng MPD, nadamay lamang umano ang biktimang si Reanne Pilar, 20, tubong Binalonan, Pangasinan, na kasambahay ng suspek na si Kristie Rose Castro y Infante, 35, negosyante at nakatira sa 30 Saint Anthony, San Carlos Heights, Baguio City.

Lulan ang dalawa ng Ford Ranger nang dumating ito sa kahabaan ng Mindanao at Mindoro Street nang biglang na lamang nagpaputok ng baril ang suspek sa tapat ng bahay ni PMajor Rommel Purisima na nakatalaga sa MPD-DPIOU.

Matapos magpaputok ay umalis ang suspek pero bumalik at muling nagpaputok na naman ng baril kaya humingi na ng responde si Purisima sa DTOC-MPD hanggang sa magkaroon ng engkwentro.

Sa kasawiang palad, tinamaan ng bala at namatay ang kasambahay ng suspek na noo’y nakasakay sa passenger seat ng kanyang SUV.

Sa kabila nito, nagtangkang tumakas ang suspek patungo sa direksyon ng Ramon Magsaysay Boulevard kung saan siya nasukol.

Inaalam pa ang impormasyon na may kinalaman sa illegal ng droga ang ginawang pagpapaputok ng baril ng suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden