Malapitan, 4 pa kinasuhan ng graft

Malapitan, 4 pa kinasuhan ng graft

June 2, 2021 @ 6:34 PM 2 years ago


MANILA, Philippines – Kinasuhan ng graft  sa Office of the Ombudman ng tatlong konsehal ng Caloocan si Mayor Oscar Malapitan at apat na iba pa dahil sa pagbili ng umano’y mababa ang kalidad na smart tablets para sa mga pampublikong paaralan na nagkakahalaga ng P320 milyon nang hindi umano dumaraan sa public bidding.

Kabilang din sa mga inihabla sina Education Undersecretary Alain Pascua; Ingat-Yaman ng Caloocan na si Analiza Mendiola, Tagapangulo ng Bids and Awards Committee na si Oliver Hernandez, senior project officer ng suplayer na Cosmic Technologies Inc na si Annalou Pallarca,

Nakasaad sa reklamo nina Christopher Malonzo, Marylou San Buenaventura, at  Alexander Managasar na  ang mga biniling tablets para sa mga pampublikong paaralan ng Caloocan para sa distance learning dahil sa pandemya, ang Cherry Cosmos 7, ay hindi makikita sa mga pamilihan at hindi pasado sa “technical specifications” ng Department of Education (DepEd), na nauna nang naglabas ng a memorandum kung saan nakadetalye ang mga kinakailangan para sa mga gadgets na idodonasyon sa mga paaaralan.

Sa kabila ng pagiging mababa ang kalidad, naglabas pa rin umano si Pascua ng memorandum kung saan nakasaad na ang mga biniling tablets ng Caloocan ay pasado sa mga requirements para sa distance learnig ng mga mag-aaral, ayon sa reklamo.

Ikinumpara ng tatlong konsehal ang ibang tablets ng Cosmic at iminungkahing kung ibang brand ang binili ay magiging P239.125 milyon lamang ang procurement contract, o katipiran ng P79.579 milyon.  Bukod dito, kumpara sa Cherry Cosmos 7, pasado sa mga pamantayan ng DepEd ang iba pang brand ng tablets.

Ayon sa reklamo ang sinasabing pinsala sa Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ay nag-ugat kay Malapitan at mga kasama niyang kinasuhan.  Pinagpapasa rin umano ng mga nagreklamong konsehal ang alkalded ng ulat ukol sa pagbili ng mga tablet at kontrata sa Cosmic ngunit wala umano itong ibinigay.

Bukod dito, hindi rin umano detalyaddo ang ipinasang  ualt ni Malapitan tungkol naman sa pamamahagit ng mga nasabing tablets, at mayroon lamang mga numero at petsa na walang paliwanag, at walang serial number ng mga unit at kung kanino napunta ang mga ito.

Samantala, sinabi naman ni Malapitan na wala pa siyang natatanggap na kopyan reklamo ngunit kampante umano siyang ibabasura ito, at may mga dokumento umanong magpapatunay na sila ay sumunod sa batas at dumaan sa tamang proseso ang proyekto.  Maliban dito, noong nakaraang taon pa umano ginagamit ng mga nagreklamo ang nasabing isyu upang makapuntos sa mga mamamayan ng Caloocan. Meryl Iral