MALASAKIT NAIPADAMA NG DSWD NOONG TAONG 2022

MALASAKIT NAIPADAMA NG DSWD NOONG TAONG 2022

January 24, 2023 @ 1:05 PM 2 weeks ago


SA naging pagkilos ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong taong 2022 na huling anim na buwan ng Duterte administration at unang anim na buwan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. ay naipadama ng Kagawaran ang pagmamalasakit ng pamahalaan sa mahihirap nating kababayan.

 Umabot sa 4.3 million na pamilya ang nakinabang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) na nananatiling flagship national poverty alleviation initiative ng pamahalaan. Ito ay 98.3% ng target ng DSWD at nilaanan ng P100 billion na pondo.

 Kapwa ginawa ng dalawang administrasyon na linisin ang listahan ng mga benepisyaryo. Nasa 106,000 ang naka-graduate na sa programa bagamat 1.3 million ang nasa record ng Kagawaran pero pinuna ito ng mga mambabatas pagdating sa basehan ng ebalwasyon.

Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy ang pagsasagawa ng community validation at inaasahan na may 500,000 pamilya pa ang maaalis habang nasa 600,000 ang magiging bagong mga benepisyaryo. 

Para naman sa mga nakapagtapos na sa programa, patuloy silang inaalalayan ng DSWD sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program at may 184,360 na nakinabang o katumbas ng P4.64 billion.

Nasa 4.4 million benepisyaryo naman ang napagkalooban ng tulong sa ilalim ng programang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) na mas mataas ng 362% kumpara sa target na 1.2 million. Kinailangan pang humiling ng karagdagang pondo ang DSWD mula sa Kongreso dahil umabot sa P34.22 billion ang gastos dahil kabilang dito ang educational assistance na ipinamahagi noong August 2022 hanggang September 2022.

May 3.75 million na senior citizens naman ang nakinabang sa Social Pension project na nilaanan ng P24.64 billion. Nagtagumpay rin ang Kagawaran sa ginawa nitong pag-lobby sa Kongreso na itaas sa P 1,000 ang social pension mula sa dating P 500.00.

Nasa higit kumulang 2 million na mga bata ang naisama sa supplemental feeding program na ginastusan ng P4 billion.

Mas pinaigting at pinagbuti rin ng DSWD ang disaster response nito lalo pa’t direktang tumututok dito si Pangulong BBM at maging ang dating Pangulong Duterte.

May 65,000 pamilya ang naabutan ng tulong, nasa 400 ang binigyan ng emergency shelter assistance, at 402,000 ang natulungan sa cash-for-work program.

Hindi lang naiulat ng DSWD ang bilang ng mga naabutan ng tulong kaugnay sa medikal na pangangailangan at magkano ang nailang badget para dito.