Malawakang baha sa Cagayan, ayaw nang maulit ni PBBM

Malawakang baha sa Cagayan, ayaw nang maulit ni PBBM

September 26, 2022 @ 5:13 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sinabihan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga irrigation at water officials na mahigpit na makipag-ugnayan sa isa’t isa kapag nagpakawala ng tubig mula sa mga dam upang maiwasan na maulit ang malawakang pagbaha sa Cagayan Valley sa mga nagdaang taon.

Sa isinagawang situation briefing hinggil sa matinding epekto ng bagyong Karding, araw ng Lunes, Setyembre 26, inatasan ni Pangulong Marcos ang mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan kabilang na ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na tiyakin na hindi na mauulit pa ang 2020 flooding incident sa Cagayan.

“I saw some reports about some of the dams na were releasing water. I cannot forget the experience that we had in Cagayan Valley a few months ago, almost a year ago, na nagbitaw ang Magat and then nagkabaha-baha,” ayon kay Pangulong Marcos.

Sinabi ni PAGASA Administrator Vic Malano, ginawan na ng pre-emptive release ng tubig ang Magat dam bago pa tumama sa bansa ang bagyong Karding.

Ani Malano, “it was done because the water level of the dam during that time was nearing the normal water high of its opening.”

Wika pa nito, “the dam is still releasing water until now through one gate with one-meter high opening. Ipo Dam is also doing the same thing.”

Sinabi ng Pangulo na nais niya na mayroong mahigpit na pakikipag-ugnayan ang mga organisasyon na kasama at mabigyan ng babala ang mga apektadong komunidad.

“Bantayan n’yo nang mabuti. We don’t want that incident to happen na sabay sabay na nagbitaw, hindi nag-warning sa mga affected areas na magbibitaw ng tubig, nagkaproblema,” ayon kay Pangulong Marcos.

“You be very very careful about that. Kontrolado naman natin, e. Kontrolin natin. The coordination required is going to be important… Hindi yung hindi kayo nag-uusap kailangan nagko-coordinate nang mabuti,” dagdag na wika ni Pangulong Marcos.

Sinabi pa rin ng Pangulo kay Malano na tiyakin na hindi magiging dahilan ng pagbaha ang gagawing pagpapakawala ng tubig mula sa mga dam. Kris Jose