Malay mayor sa dagsa ng tao sa Bora: Normal ‘yan

Malay mayor sa dagsa ng tao sa Bora: Normal ‘yan

April 19, 2022 @ 1:34 PM 2 months ago


MANILA, Philippies – Sinabi ng acting mayor ng Malay sa Aklan nitong Martes na handa siyang magpaliwanag sa mga ahensya ng gobyerno kung bakit lumampas ang Boracay Island sa tourist capacity nito tuwing Semana Santa.

“Well i-explain namin ‘yan. Normal naman ‘yan kasi alam mo for almost 2 years kasi ang Boracay talagang nahirapan. Walang halos bisita,” ani Malay acting mayor Frolibar Bautista sa interbyu sa ANC.

“Nag-expect talaga na maraming darating pero ‘yun na hindi na naisipang nag-exceed na pala,” aniya pa.

Noong Semana Santa, lumabag ang bilang ng mga turista sa Boracay Island sa state-mandated carrying capacity nito na 19,000, na itinakda ng gobyerno matapos sumailalim sa rehabilitasyon ang sikat na destinasyon sa mundo noong 2018.

Sinabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat na 21,252 at 22,519 na mga bakasyunista ang dumating sa isla noong Abril 14 at 15, ayon sa pagkakasunod.

Mula noon ay hinimok niya ang aksyon laban sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Malay para sa umano’y paglabag sa mga protocol sa kalusugan at kaligtasan.

Nasa ilalim ng COVID-19 Alert Level 1 ang Aklan hanggang Abril 30. RNT