Malaya muling nahalal na pangulo ng NABPLO

Malaya muling nahalal na pangulo ng NABPLO

December 1, 2022 @ 7:40 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sa ikatlong pagkakataon ay muling nahalal bilang pangulo ng National Association of Business Permit and Licensing Office (NABPLO) si Parañaque City Business Permit and Licensing Office (BPLO) chief Atty. Melanie Soriano-Malaya.

Ang national convention ng mga hepe ng BPLO sa iba’t-ibang lungsod at munisipalidad sa buong bansa ay ginanap sa Solea Hotel and Resort sa Cordova, Cebu nitong nakaraang Nobyembre 22 hanggang 25 kung saan umabot sa 400 BPLO chief ang dumalo sa naturang pagtitipon.

Ang NABPLO na inorganisa noong 1998 ay ka-partner sa pagpapatupad ng mga reporma sa gobyerno patungo sa pagpapa-angat ng ekonomiya at countryside development.

Ang layunin ng naturang programa ay upang mabigyan ng halaga ang pagganap ng mga lokal na BPLO chiefs sa kani-kanilang mga lungsod at munisipalidad sa pag-promote bilang isang business-friendly local government unit (LGU).

Matatandaan na si Malaya ang nasa likod ng proyektong Project: Express Lane Operation (ELO) 2.0 na nagpapagaan ng proseso sa pag-aapply ng business at working permits sa pamamagitan ng makabagong sistema ng komputerisasyon at pagpapababa ng bilang ng hakbangin sa pagpoproseso mula 10 hanggang apat na hakbang na lamang.

Sinabi ni Malaya na ang Project ELO 2.0 ikinonsepto noong kapanahunan ni dating Parañaque Mayor Edwin L. Olivarez na ngayon ay 1st District Representative na ng lungsod.

Dagdag pa ni Malaya na ang Parañaque ay ang kaun-unahang lungsod o LGU na naging fully compliant sa pagpoproseso ng streamlined business permit.

Pinuri naman ni Mayor Eric Olivarez si Malaya sa kanyang ikatlong pagkakapanalo bilang pangulo ng NABPLO. James I. Catapusan