Malaysian, binitay sa Singapore sa heroin smuggling

Malaysian, binitay sa Singapore sa heroin smuggling

April 27, 2022 @ 11:46 AM 2 months ago


SINGAPORE – Binitay kaninang umaga ang Malaysian national na nagpasok ng tatlong kutsarang heroin sa bansang ito ilang taon na ang nakararaan.

Kinilala ng mga awtoridad ang binitay na si Nagaentran Dharmalingam na 10 taon nang nakabilanggo at nililitis.

Ayon sa Court of Appeals ng Singapore, napatunayang nagkasala si Dharmalingam at hindi kapani-paniwala ang mga naging depensa nito upang mapagkalooban ng kalayaan.

Unang ikinatwiran ng akusado na ipinadala lang ng iba sa kanya nang sapilitan ang iligal na droga ngunit sa huli, sinabi nitong gusto lang niyang kumita.

Habang nagtatagal ang paglilitis, ikinatwiran ng kanyang mga abogado na mababa ang antas na pag-iisip nito sa pagkakaroon lamang ng 69 na intelligence quotient kaya hindi nito alam ang kanyang ginagawa.

Ngunit sinabi ng hukuman na alam na alam nito ang kanyang ginagawa na masama o mabuti kaya hindi naging hadlang ang pagturing dito na guilty sa sumbong.

Nahuli ang akusado noong 2009 pagpasok nito sa Singapore mula Malaysia at nakitang nakatali ang heroin sa kanyang hita.

Tumimbang ang heroin ng 43 gramo at lagpas ito sa 15 gramo na pasimula ng parusang bitay. RNT