Malaysian national arestado sa buy-bust ops

Malaysian national arestado sa buy-bust ops

December 19, 2022 @ 5:20 PM 1 month ago


ZAMBOANGA CITY – Arestado ang isang negosyanteng Malaysian national sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga awtoridad, iniulat kaninang umaga sa lungsod na ito.

Kinilala ni Col. Alexander Lorenzo, Zamboanga City Police Office (ZCPO) director, ang suspek na si Imran Bin Muhazir, 22.

Batay sa report ng Zamboanga-PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), dakong alas-7:45 ng gabi nang madakip ang suspek sa Barangay Calarian, Zamboanga City.

Nakuha kay Muhazir, ang 10 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P68,000, sling bag, 24 pirasong tig P1,000 boodle money na may kasamang P1,000 genuine marked money, mobile phone, Malaysian citizenship documents at pitaka na may laman na P4,590.

Ayon kay Lorenzo, ang suspek ay maraming address ng bahay kabilang ang Sabah, Malaysia, Zamboanga City at Bongao, Tawi-Tawi.

“Muhazir kept coming back and forth in the Philippines through illegal entry to sustain his illegal drug business,” pahayag pa ng PDEA-Zamboanga City.

Sinabi ng PDEA na ang pagkakadakip kay Muhazir ay posibleng maging daan para sa pagkakakilanlan at matunton ang iba pang international drug personalities na nag-ooperate sa bansa.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek. Mary Anne Sapico