Malaysian, Pinoy POGO workers nasagip ng NBI

Malaysian, Pinoy POGO workers nasagip ng NBI

November 16, 2022 @ 11:24 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Nasagip ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation ang isang Malaysian at ilang mga Pilipino na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) company sa Pasay City matapos umanong makaranas ng pang-aabuso.

Isinagawa ang rescue operation bago mag-hatinggabi sa Williams Street corner F.B. Harrison Street sa Pasay City, ayon sa ulat nitong Miyerkules.

Pinahinto ng NBI operatives ang ilang mga van at pinababa ang mga driver. Nasamsam sa ilan sa mga driver ang mga baril.

Ang Malaysian, na kinilalang si Brandon Lo, ang target ng rescue operation. Nauna nang nakipag-ugnayan ang Malaysian Embassy ang mga awtoridad ukol kay Lo.

“It is a scam,” ani Lo, na tinutukoy ang kanyang POGO employer.

Binubugbog umano ang mga manggagawa kapag hindi sumusunod sa utos ng employer.

Nagpapasalamat naman si Lo sa pagkakasagip sa kanya.

Dinala ang POGO workers sa NBI office upang kunan ng salaysay.

Hindi naman pinangalanan ng NBI ang POGO company dahil gumugulong pa ang imbestigasyon. RNT/SA