Maliban sa ilang ruta sa NCR, PUV operation sa bansa normal – Malakanyang

Maliban sa ilang ruta sa NCR, PUV operation sa bansa normal – Malakanyang

March 6, 2023 @ 1:26 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Tiniyak ng Malakanyang na walang magiging aberya maliban sa kaunting ruta sa National Capital Region (NCR) sa gitna ng  nagpapatuloy na  transport group strike.

Tinukoy ang mga ulat mula sa DOTr, LTFRB, MMDA at PNP, sinabi ng Malakanyang na sa pamamagitan ng Libreng Sakay program, nagbigay ang gobyerno ng libreng sakay para sa mga commuters o mananakay na apektado ng transport group strike.

Siniguro nito sa publiko na ang pamahalaan ay mayroong sapat na assets at mga tauhan para tugunan ang mga pangangailangan ng  commuting public.

“As of 10 a.m.,  ang EDSA Busway Carousel ay hindi pa naaapektuhan ng kahit na anumang  transport strike activity, maayos na operasyon na may mababang bilang ng mga pasahero sa lahat ng istasyon.”

Pinangasiwaan naman ng Philippine National Police (PNP) personnel  ang pagbiyahe sa mga pasahero mula Almar Subdivision sa Caloocan hanggang  Quezon City.

Nag-deploy din ang mga awtoridad ng mga sasakyan para ipagamit sa mga pasahero na may Dapitan-Baclaran route.

“As early as 4 a.m., inihanda na ng gobyerno ang mga bus para sa Libreng Sakay sa Pasay City, Marikina City, Caloocan City, at maging sa Quezon City.”

Base sa report kaninang 7:15 ng umaga, ang EDSA Busway ay nananatiling normal na nago-operate  na may “moderate to heavy volume” ng mga pasahero sa southbound mula north sector stations, MCU at Roosevelt.

Sinabi ng mga awtoridad na mayroon kasing sapat na bilang ng mga bus para magbyahe ng stranded passengers.

Sa  Calabarzon, kaninang alas-6 ng umaga, iniulat ng mga awtoridad ang kondisyon ng SM-Crossing Calamba Terminal sa Calamba City, Laguna.

Iniulat na may  30 stranded passengers sa terminal, idagdag pa na ang mga pampasaherong dyip na may Calamba- Biñan route ay nasa  normal operation.

Ang mga modern jeeps na bumibyahe sa  Calamba-Pacita Complex route ay nasa  normal operation din.

Tinatayang may 11 major jeepney at UV (utility vehicle) groups sa Kalakhang Maynila ang naunang sumalungat sa planong transport group strike na pinangungunahan ngayon ng Manibela, isang alyansa ng  UV drivers at isang party-list group. Kris Jose