MALIIT NGUNIT MALAKING BAGAY SA MAHIHIRAP

MALIIT NGUNIT MALAKING BAGAY SA MAHIHIRAP

June 13, 2022 @ 8:48 PM 2 weeks ago


BAGO bumaba sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte sa katapusan ng buwang ito, naglabas siya ng kautusan na pagbibigyan ang nasa 12.4 milyong mahirap na pamilya ng P500 bawat buwan sa loob ng anim na buwan.

Kabilang sa mga mabibigyan ang miyembro na ng 4Ps o Pantawid Pamilya Pilipino Program, mga benepisyaryo na ng social pension gaya ng  mahihirap na senior citizen at tumatanggap ng unconditional cash transfer mula noong 2018 hanggang 2020.

Kapag kinilala ang lahat ng ito, mga Bro, kalahati ng populasyon ng bansa ang magiging benepisyaryo.

Isasagawa ang pamimigay ng Department of Social Welfare and Development nang minsan lang kada dalawang buwan o P1,000 hanggang sa matapos ang anima na buwan.

Lumalabas na tatlong bigayan ang magaganap at magtulong-tulong ang DSWD, Department of Budget and Management, National Economic and Development Authority at Bangko Sentral ng Pilipinas habang titiyakin naman ng Land Bank of the Philippines na gumagana ang mga iniisyu na nitong mga card na ginagamit bilang daluyan ng pagtanggap ng ayuda.

Maaari rin umanong mabigyan ang ilang benepisyaryo sa pamamagitan ng ibang paraan ng pagpapadaloy ng salapi.

Pangunahing dahilan na nagtulak sa Pangulo na mag-utos ng ayuda ang pagsabog ng digmaan ng Russia at Ukraine na pinagmulan na ng iba’t ibang krisis gaya ng pagmamahal ng mga produktong petrolyo na nagbunga ng pagtataas ng presyo ng lahat ng bilihin na sinundan ng kakapusan ng pagkain at mga gamit sa produksyon gaya ng trigo at abono.

MALIIT NGUNIT PARANG WALIS TINGTING

Kung titingnan ang ayuda, maliit lamang ito.

Ngunit maituturing itong isang piraso na walis tingting na maliit ngunit magiging produktibo at kapaki-pakinabang kung ibigkis ito sa iba’t ibang programa ng pamahalaan.

Halimbawa, maliit din ang mga ibinibigay sa mga obrero bilang umento sa sahod at sari-sari ang laki o liit ng mga ito depende sa bawat rehiyon ng bansa na sakop ng Regional Wage Boards.

Alalahaning kasama sa mga mabibigyan dito maging ang mga kasambahay na sa kanilang pag-uwi ay bahagi pa rin sila ng nasa 50 porsyentong mahihirap ng buong populasyon ng bansa.

Kapag isama sa bigkis ang libreng edukasyon sa mga pampublikong kolehiyo at zero bill sa mga naoospital sa bisa ng mga Malasakit Center, ramdam na ramdam kung gaano kalaki ang sinasabi ng iba na maliliit na bigay ng pamahalaang Duterte.

Mahalaga ring isama sa bigkis ang masasabi nating matagumpay na giyera sa droga dahil nakapalaking kabawasan ito sa gastos ng pamilya sa droga na nagiging bisyo ng mga anak o ama o ina ng mga tahanan.

DURUGTUNGAN NG BAGONG PAMAHALAAN

Ang pamantayang P20 kada kilo ng bigas ay palatandaan naman ng pagpupunysagi sa hinaharap ng bagong gobyernong darating.

Isa itong pangarap para sa kabuhayang ng higit ng nakararami kundi man ng lahat na magkaroon ng paggaan ng buhay.

Kapag magiging mura ang pagkain na galing sa lupa at karagatan ng Pilipinas at hindi ikalulugi ng mga magsasaka, mangingisda at iba pa, hindi lang mapapari ang malawak na kagutuman kundi sisigla ang lahat na lumahok sa lahat ng antas ng produksyon at gawaing ikauunlag ng buong bansa.

Tara na, lumahok tayong lahat na mangarap at humanap ng katuparan ng mga ito para sa lahat.