Maling middle name ni Bantag sa subpoena ‘wa epek’ sa kaso – SOJ

Maling middle name ni Bantag sa subpoena ‘wa epek’ sa kaso – SOJ

November 24, 2022 @ 5:48 PM 2 days ago


MANILA, Philippines- Hindi makaaapekto ang pagkakamali sa middle name ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag sa subpoena sa murder charges na kinakaharap niya, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes.

Inihayag ito ng abogado ni Bantag na si Rocky Balisong, sa peliminary investigation nitong Miyerkules, at sinabing posibleng ibang indibidwal ang tinutukoy sa summons sa pagpatay sa broadcaster na si Percival “Percy Lapid” Mabasa at sa umano’y middleman na si Jun Villamor.

Ginamit sa subpoena ang “Soriano” bilang middle name ni Bantag sa halip na “Quitaleg.”

Subalit, sinabi ni prosecutor Charlie Guhit na naitama na ito, at idinagdag na nag-isyu ng bagong subpoena at natanggap na ni Balisong.

Sa hindi pagsipot ng co-respondent ni Bantag na si BuCor deputy security officer Ricardo Zulueta, sinabi ni Remulla na hiniling niya sa National Bureau of Investigation na makipag-ugnayan sa pamilya ni Zulueta. Hindi rin dumalo ang kanyang abogado sa preliminary probe.

Samantala, ibinasura rin ng justice chief ang mga apela na payagan ang media coverage ng hearing.

“May privacy rights pa tayo kasi may presumption of innocence. Pag ginawa natin ‘yun, parang tayo rin ang nag co-condemn ng kapwa. We don’t really want to make a spectacle out of (the) proceeding,” sabi ni Remulla.

Ipagpapatuloy ang preliminary investigation sa Dec. 5, kung kailan inaasahang maghahain ng kani-kaniyang counter-affidavits ang mga respondent. RNT/SA