Maling ‘prioritization, distribution’ ugat ng COVID vax wastage – Tolentino

Maling ‘prioritization, distribution’ ugat ng COVID vax wastage – Tolentino

March 13, 2023 @ 8:00 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinabi ni Senator Francis Tolentino nitong Linggo na posibleng ang sanhi ng COVID-19 vaccine wastage sa bansa ay ang pagkakamali sa prioritization ng COVID-19 vaccine recipients at pamamahagi ng mga bakuna.

Sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee Chairperson Tolentino na maaaring nagkaroon ng pagkakamali sa istratehiya para sa vaccine allocation, kung saan ginawang prayoridad ang healthcare workers bilang A1, senior citizens bilang A2, at people with comorbidities prioritized bilang A3.

“Opo ‘yung mga A1, A2, A3 baka may mali doon sa prioritization at mali ‘yung distribution. Baka mayroon pong mga lugar na hindi dapat ganon karami o baka mayroon pong mga ibang lugar na hindi naman dapat kaagad nabagsakan kasi regional po yung mga hubs natin noon eh,” pahayag niya.

Sa Senate Blue Ribbon hearing nitong Huwebes, kinumpirma ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na 50.74 million COVID-19 bakuna ang mapapanis sa pagtatapos ng Marso.

Sinabi ni Tolentino na ang bilang ng wasted vaccines ay maaari pang tumaas sa mga susunod na buwan, dahil sa pag-aalinlangan na magpabakuna.

“Pero nung earlier stages po ng COVID vaccine, napakataas nung interes. Baka mali ‘yung proseso, baka mali ‘yung distribution, baka mali ‘yung information campaign,” sabi niya. RNT/SA