MALINIS, MAAYOS, AT MAUNLAD NA PAMAMAHALA SA MANILA LGU

MALINIS, MAAYOS, AT MAUNLAD NA PAMAMAHALA SA MANILA LGU

July 6, 2022 @ 5:32 PM 1 month ago


PUNOM-PUNO ng pasasalamat ang ibinahagi nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin Yul Servo Nieto nang magkatuwang nilang buksan ang unang araw ng sesyon ng Sangguniang Panlungsod.

Lahat halos ng mga pinuno at kawani ng iba’t ibang departamento ng lokal na pamahalaan, mula sa Manila Health Department, Office of Senior Citizen Affairs, Department of Social Welfare, Public Employment Service Office, Department of Engineering and Public Works at maging ng Manila Police District ay pinasalamatan ng alkalde dahil sa malaking papel na kanilang ginampanan sa loob ng panahon ng kanilang panunungkulan ni dating Mayor Isko Moreno Domagoso at siya bilang bise alkalde noon.

Sabi ng alkalde, bagama’t malaking hamon sa kapulisan ang pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa isang lungsod na pinamamahayan ng napakaraming mamamayan, nagawa ng MPD ang kanilang tungkulin na maayos, sa tulong ng lokal na pamahalaan.

Naniniwala si Mayor Honey na kapag ang isang pamayanan ay tahimik, maayos at may disiplina ang mamamayan, mabilis na uunlad, hindi lang ang ekonomiya at kabuhayan kundi maging ang industriya ng turismo.

Nagbigay din si Mayor Honey ng tagubilin sa pamunuan ng MPD sa pangunguna ni P/BGen. Leo Francisco at maging sa SMART sa pamumuno ni P/Lt. Col. Rosalino Ibay Jr. na ipagpatuloy ang paglilinis sa mga sagabal sa bangketa at lansangan dahil tulad ni Yorme, nais din niyang ibigay sa motorista ang lansangan at ang bangketa sa mga pedestrian. Tiniyak din ni Mayora na bilang isang doktor, palalakasin niya ang mga programang pangka­lusugan lalo na’t hindi pa rin lubusang napapawi ang panganib na dulot ng nakahahawang sakit na COVID-19.

Siniguro rin niya na lahat ng mga nakalinyang programa, proyekto at serbisyo na ipagkakaloob sa ma-mamayan ay magiging bukas sa mata ng publiko at patunay dito ang paglagda niya sa isang Executive Order No. 01 na naglalayong isulong ang polisiya ng katotohanan, transparency at mabilis na kilos ng pamahalaan. Ginagarantiyahan aniya nito ang pagsasapubliko ng lahat ng mga gawaing bayan sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang platform sa public information.

Sa ngayon, nakakolekta na ang City Treasurer’s Office ng halos kalahating porsiyento ng target na koleksyon para panggastos ng lokal na pamahalaan sa buong taon ng 2022 at umaasa siyang maaabot kundi man malalagpasan ang koleksyon sa huling araw ng taon.

Sinabi ni Vice Mayor Servo Nieto na wala sa hinagap niya na makauupo bilang presiding officer ng Sangguniang Panlungsod.