Malinis, maayos, maunlad na pamamahala sentro sa inagurasyon ng ika-12 Sangguniang Panlungsod ng Maynila

Malinis, maayos, maunlad na pamamahala sentro sa inagurasyon ng ika-12 Sangguniang Panlungsod ng Maynila

July 4, 2022 @ 6:53 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Pinangunahan nina Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin Yul Servo Nieto ang inagurasyon ng ikalabindalawang sesyon ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila na ginanap ngayong araw.

Sa ginanap na kauna-unahang State of the City Address ni Lacuna, kasabay ng nasabing inagurasyon, binanggit nito ang ginawa niyang paglilibot sa bawa’t tanggapan ng Manila City Hall sa unang araw pa lamang ng kanyang paglilingkod upang makita ng personal ang kalagayan ng gusali na aniya ay nagsisilbing pangalawang tahanan ng mga kawani at kapwa nila lingkod bayan.

Ipinahayag din ng alkalde na nilagdaan niya ang Executive Order No.6 nitong unang araw ng Hulyo na nagtatalaga sa araw ng Biyernes bilang Clean-Up Day kung saan inaatasan nito ang lahat ng kawani sa pangunguna ng mga namumuno sa kagawaran na palagiang tiyakin ang malinis at maayos na tanggapan pati na ang lahat ng corridor sa harapan ng mga opisina at sa lahat ng sulok ng Manila City Hall.

“Ito ay repleksyon na sasalamin sa maayos at malinis na pamamahala. Dito ay makikita din natin ang pakiki-isa at kooperasyon ng bawat indibidwal na bahagi ng ating pamahalaang lungsod,” saad ni Lacuna.

Isa-isa rin niyang pinasalamatan ang mahahalagang papel na nagampanan ng maayos ng bawa’t departamento, kabilang na rito ang Manila Health Department, Office of Senior Citizen Affairs (OSCA), Department of Social Welfare, Public Employment Service Office, Department of Engineering and Public Works at maging ng Manila Police District (MPD) na dahilan upang mabigyan ng agarang solusyon ang mga kinaharap na suliranin at krisis na dulot ng pandemya, pagkakaloob ng trabaho, benepisyo sa mga lolo at lola pati na ang pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan.

Ibinahagi din ng Alkalde ang kanyang ginawang pag-uusisa sa pondo ng lokal na pamahalaan kung saan batay sa datus na ibinigay sa kanya ng City Treasurer’s Office ay nakakolekta na ang naturang tanggapan hanggang huling araw ng Hunyo ng kabuuang halagang P9,421,499.637.29 o 42.44 na porsiyento ng tinatayang P22.2 bilyon na executive budget sa taong 2022.

Kumpiyansa din aniya si Lacuna na na makukumpleto o mas mataas pang porsiyento ang maabot na koleksiyon ng naturang tanggapan dahil sa kanilang ibayong pagsisikap bago matapos ang kasalukuyang taon.

Nanawagan naman si Lacuna sa lahat ng mga revenue generating offices ng lokal na pamahalaan na magsipag at sumabay sa pagsisikap nilang mapalakas ang kakayahan ng pamahalaan na maisagawa ang lahat ng mga gawaing bayan na may sapat na pananalapi at hindi na kailangang magtaas ng buwis.

Aniya, kailangan nito ang tulong at suporta ng lahat lalo na ang Sangguniang Panlungsod upang maipagpatuloy ang mga programa, proyekto, serbisyo at benepisyo para sa bawa’t Manilenyo at sama-sama sila bilang isang lungsod at isang pamilya na maisagawa ang lahat ng mga gawaing bayan ng maayos, masinop at episyente para sa isang malinis, maayos, mapayapa at maunlad na Maynila. JAY Reyes