‘Malinis, patas’ na Halalan 2022 titiyakin ni PDu30- Andanar

‘Malinis, patas’ na Halalan 2022 titiyakin ni PDu30- Andanar

March 18, 2022 @ 1:00 PM 3 months ago


MANILA, Philippines- Titiyakin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na malayo at walang mangyayaring dayaan sa May 9, 2022 national at local elections.

Sinabi kasi ng ilang senador na may seryosong security breach diumano sa operasyon ng Smartmatic na election software provider ng Comelec.

“Gagawin lahat ng ating Pangulong Duterte na maging clean, fair at honest election,” ayon kay acting Presidential Spokesperson at Communications Secretary Martin Andanar sa kanyang “Ask Me Anything, Anywhere” segment na iniere sa kanyang Facebook page.

Sinabi ni Andanar na inatasan na ni Pangulong Duterte ang kanyang gabinete at maging ang mga guro na na magsisilbi bilang poll workers sa May 9 elections, na protektahan ang integridad ng halalan.

Sa ulat, sinabi ni Senate Committee on Electoral Reforms Chairperson Imee Marcos na nagkaroon ng seryosong security breach sa operasyon ng Smartmatic, ang poll technology provider para sa halalan sa Mayo.

“There indeed was a security breach in the Smartmatic operation that appears to be clear,” ani Marcos.

“It may not be technically hacking. However, we feel that it compromises the processes and operations of Smartmatic in very serious ways,” dagdag niya.

Ayon pa kay Marcos, may mga datos kaugnay ng Smartmatic, kabilang ang personal na impormasyon, ledgers, larawan ng kanilang opisina, contact person sa Comelec ang posibleng na-hack ng isang sindikatong grupo.

“Andoon lahat sa Facebook eh, nakakapagtaka eh. Kaya medyo kinakabahan tayo to that degree, the depth and breadth of the data that has been released, that is still publicly available as far as I know. Nandoon nakita ko, and we may be involved with a criminals’ hacking syndicate, yang XFOS,” aniya pa.

Para naman kay Senate President Vicente Sotto III, napag-alaman niya na isang grupo ang hinayang makakopya sa mga impormasyon sa tulong ng isang tauhan ng Smartmatic.

“Mayroong empleyado ang Smartmatic na nilabas ‘yung laptop niya at hinayaang well, not hacked, but hinayaang makopya ng a certain group. I think that is as far as we can go,” ani Sotto.

Kaya bagama’t hindi maituturing na hacking ay seryoso pa rin aniya ito at dapat na maimbestigahan ng mga awtoridad.

Dagdag pa ni Sotto, malaking tulong ang ginawang pagsisiyasat ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil nabibigyang linaw ang nangyaring insidente na todo itanggi ng Comelec.

Wala pang inilalabas na pahayag ukol dito si Comelec Commissioner Marlon Casquejo.

Nakatakda namang isapubliko ng Senado ang bahagi ng report na una nang tinalakay sa executive session ng Kongreso. Kris Jose