MALUNGKOT PERO INSPIRADO

MALUNGKOT PERO INSPIRADO

January 3, 2022 @ 12:57 PM 8 months ago


NAKITA ko ulit ang kulay berdeng malaking ibon na bakal, na may tatak ng bandila ng Pilipinas.  Ang subok nang C-130 cargo plane ng Philippine Air Force natin.  Medyo malungkot kasi senyales na may biyahe na naman siya sa panahon ng kalamidad. Hatid niya ang ayuda na mga relief goods para sa mga nasalanta ni super-bagyong Odette.

Humabol pa talaga sa huling dalawang linggo ng 2021.  Sa panahon na dapat sana ay saya at pagbangon mula sa pandemya ang nangingibabaw sa lahat.  Pero dahil na nga sa nagbabagong klima, nabalot pa ng dalamhati at kawalan mula sa hagupit ng bagyo.

Ang lupit ng panahon ay gumuhit ng masaklap na karanasan sa milyong Pilipino, sa gitna ng tangka nating bumangon sa bangungot ng COVID19.

Kinalabit ako ng alaala sa pinaabot naming pagtulong sa mga kababayan nating sinalanta ng bagong Yolanda noon sa Tacloban.  Pati na rin ang mga dagok ni bagyong Pablo at Sendong ng magkasunod na taon sa Mindanao.

Sa ganitong mga panahon, lumalabas ang pusong mapagbigay ng ordinaryong Pinoy sa pagtulong at pakikiramay.

At saludo ako sa mga unipormadong kawani ng gobyerno, ang mga tapat na sundalo at piloto natin sa PAF.  Saksi ako sa sipag, tapang at dedikasyon ng mga tauhan ng PAF, at ang kanilang sakripisyo.

Sa panahon ng Pasko na sana ay kapiling nila ang kanilang mga pamilya at mahal sa buhay, walang alinlangan na pinipili nila ang maglingkod at tumugon sa panahon ng mga disaster.

Sa mahigit isang linggong mga opersayon ng PAF, lampas 2,200 na toneladang relief goods ang nadala nila sa mahigit 6 na probinsya na sinalanta ni Odette.

Mahigit limandaang mga locally-stranded individuals na rin ang nailipad nila papuntang Manila.

Malungkot, pero inspirado ako sa paglipad ng C-130, dala ang tulong at pag-asa.