Maluwag na seguridad sa NAIA, nagpalala sa human smuggling – Poe

Maluwag na seguridad sa NAIA, nagpalala sa human smuggling – Poe

February 23, 2023 @ 3:36 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Mas maraming kuwestiyon ang lumulutang na kailangan ipaliwanag sa isasagawang imbestigasyon ng Senado sa insidente ng human smuggling sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Pebrero 13, ayon kay Senador Grace Poe.

Sa ginanap na imbestigasyon ng Senate blue ribbon committe hinggil sa insidente, sinabi ni Poe na hindi lamang paglitaw ng posibleng human smuggling ng indibidwal ang naganap kundi nakita din ang pagsuway sa regulasyon ng paliparan na naglagay sa panganib sa ating pambansang securidad.

“Noong unang lumabas ang balitang ito, inakala natin na human smuggling lang ang issue dito. But the more that we look into this flight, the more questions arise. May mga anomalya tayong nasilip na sana ay masagot ng imbestigasyong ito,” ayon kay Poe, chairman ng Senate committee on public services.

Sa pagtatanong ni Poe sa naturang pagdinig, inamin ni Manila International Airport Authority (MIAA) chief Cesar Chong na nagkaroon ng “lapses” noong Pebrero 13 nang may ilang tao ang pinayagang makalipad palabas ng bansa nang walang clearance sa lahat ng kinauukulang awtoridad.

Dahil dito, kinastigo ni Poe ang opisyal ng MIAA dahil pinayagang makapasok ang ilang sasakyan na nagdeklara lamang sa pamamagitan ng license plate nang hindi sinusuri ang pagkakakilanlan ng pasahero.

Ayon kay Poe, dapat magsagawa ang awtoridad ng masusing inspeksyon sa bagahe na sinasabing VIP passenger upang matiyak na hindi sila nagdadala ng smuggled items o kontrabando tulad ng droga at pera na maaaring ipuslit kasama ang iba pang illegal paraphernalia.

Iginiit pa ni Poe na dapat suriin nang mabuti ang air charter companies at local aircraft ground handler tulad ng Globan Aviation Services Corporation, ang sangkot sa insidente, ang kanilang pasahero na kasama sa paglipad.

Ipinalutang ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group ang alarma nang makalipad ang isang biyahe nang hindi dumadaan sa “pre-flight security inspections.”

Iginiit ni Poe na anim lamang na pasahero ang nakalista sa general declaration sa PNP exit clearance habang nagpapakita naman na may ika-pitong pasahero sa general declaration ng Bureau of Immigration na naka-sulat kamay lamang.

“Kailangan ipaliwanag kung ilan talaga ang nakalipad papuntang Dubai base sa kanilang inspeksyon. Lalo na’t nakakuha din kami ng impormasyon na pito rin lang ang nakarating sa Dubai at sumakay sa onward flight pa-Geneva at ang mga pangalan ng pasahero ay tugma sa pito na inilista ng Immigration,” ayon kay Poe.

Napansin din ni Poe ang pagkakaiba ng clearance forms ng PNP, MIAA at Immigration.

“Why are there multiple versions of each document? They come with mismatched information, handwritten insertions and signatures from various personalities. Bakit ganito kagulo ang isang prosesong araw-araw namang nangyayari sa airport?” tanong ng senador.

Kinastigo din nito ang MIAA sa kawalan ng CCTV sa ilang pangunahing lugar sa security restricted areas tulad ng Balagbag Ramp, at Delta North gates kung saan dumadaan ang mga pasahero.

Isang miyembro ng PNP Aviation ang kumuha ng video sa insidente na pawang krusyal sa paglalantad ng anomalyang nangyayari sa loob ng paliparan. Ernie Reyes