MAMAHALING GAMIT IDINI-DISPLAY NG OPISYAL

MAMAHALING GAMIT IDINI-DISPLAY NG OPISYAL

March 10, 2023 @ 1:20 PM 3 weeks ago


ANG lupit naman ng opisyal na ito ng pamahalaan dahil tinalo niya sa pagpapasikat ng yaman sina dating Senador Manny “Pacman” Pacquiao at ang bilyonaryong si dating Senador Manny Villar lalo na sa pagsusuot ng mamahaling kasuotan at alahas.

Napakamahal ng suot nitong jacket na Louis Vitton. Take note, nakalululang P300,000 lang naman ang halaga ng suot nito. Aba, budget na sa pagkain  ang halagang ito ng isang komunidad ng mahihirap na pamilyang Pilipino sa loob ng isang linggo.

Ang mas malupit pa at kinaiinggitan ng marami lalo na ng mismong mga kasamahan niyang opisyal sa kanilang ahensiya ay ang kanyang suot-suot na Richard Mille wacth RM 67-01 model.

At para sa kabatiran ng nakararami,  ang naturang relo ay nagkakahalaga lamang naman ng P12 milyon na kung susumahin ay katumbas na ng dalawang Lexus GX (Crossover) 460  292 HP. Ang halagang nasabi ay puwedeng ipagpagawa na ng mga bahay ng ilang pamilya sa isang barangay.

Marami ang napapaisip na sobrang bongga naman sa pananamit at gamit itong opisyal na ito gayun para sa mga taong tulad ni Pacquiao at Villar ay dugo at pawis ang puhunan para yumaman. Pero hindi naman sila nagdidisplay ng mga sobrang pangyabang na mga gamit.

Madalas, ang mga mayayamang negosyante at kilalang bilyonaryo sa bansa ay napakasimple lang ng mga kasuotan.

Teka lang, may malaking negosyo ba itong opisyal na ito? Nagbabayad ba siya ng tamang buwis? At higit sa lahat, siya ba ay “born with a golden spoon?”

Pero teka, ano itong naririnig ng inyong Pakurot na malakas ang (monkey) business ng opisyal na ito sa Department of Public Works and Highways kumpara sa mga lehitimong negosyante sa ating bansa.

Aba’t may pailalim pala ang mokong na ito. Ah, kung ganoon, may balon ng salapi ito? Sana lang, hindi ito matuyuan kapag natukoy ng administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos ang iligal na pinanggagalingan ng yabang este yaman ng opisyal na ito.

Para sa clue, sumasabay sa laki ng kanyang pera ang kanyang katawan at may kapangalang parke ito sa isang lungsod sa Metro Manila.