MAMALASIN KA SA PRUTAS NGAYONG TAONG 2023

MAMALASIN KA SA PRUTAS NGAYONG TAONG 2023

December 29, 2022 @ 10:28 AM 4 weeks ago


BATAY sa nagaganap, tila hindi susuwertihin kundi mamalasin ang mga gustong magkaroon ng mga prutas na pansalubong sa Bagong Taong 2023.

Bakit sila mamalasin?Naku, sa mahal ng mga prutas, mawawalan ng mas mahalagang bagay ang kanilang pamilya, lalo na sa hanay ng mga mahihirap.

Tingnan ninyo. Sinubukan kong bumili ng mangga na tatlong piraso para sa isang kilo. Aba, P200.

Ang kiatkiat na dating 10 piraso ang nasa isang supot ngunit kinangkungan ng 2 piraso, P110 sa isang kilo.

Ang pinya na maliit, P100 na rin ang isang piraso ngunit wala ka nang makakain na laman nito kung pagtatanggalin mo ang mga mata nito.

Ang mansanas na dating 3 piraso sa P100, ngayon P150 na o P50 kada piraso.
P350-P400 na rin ang isang kilo ng seedless na ubas ngunit P180 lang dati.

Ang dating P150 na pakwan, nasa P300.

Ganyan katindi ang mga presyo ng mga prutas kaya paano ka hindi mamalasin?

Kung meron ka rin lang bayabas sa paligid o suha o kalamansi o niyog o mangga, ito na lang ang iyong pitasin at isalubong sa Bagong Taon.

Kung nakatira ka sa mga bayan at lungsod na walang tanim  na prutas ang bunga at pipilitin mong magkaroon nito, tig-isang piraso na lang lahat.
Kung hindi, ibili mo na lang ng bigas ang pamprutas bilang pampaswerteng tunay dahil may tig-P25-

P35 kada kilo ngayon at sa P1,000 mo, may pang-ulam ka pa.
Aba, sa katamtamang P750 na pambigas, walang gutom sa loob ng 15 araw para sa pamilyang binubuo ng ama, ina at 3 anak.

Pwede ka pang gumawa ng am na budburan ng gatas para sa ‘baby’ at makapaglulugaw ka pa sa gabi na kumot lang naman ang iyong hihila-hilahin.““