Mambabatas inireklamo sa ‘no spending rule’ sa 2019 campaign period ng Comelec

Mambabatas inireklamo sa ‘no spending rule’ sa 2019 campaign period ng Comelec

February 15, 2022 @ 1:02 PM 4 months ago


QUEZON – Isang reklamong Election Offense ang kinahaharap ng dating gubernador at kasalukuyang kinatawan ng ikalawang distrito ng probinsya ng Quezon na si Congressman David “Jay-Jay” Suarez, sa Commission on Election (Comelec).

Ayon sa reklamo, nagawa umano ang paglabag noong 2019 mid-year election campaign period na kung saan si Suarez ay Gubernador pa ng probinsya.

Batay sa Complaint-Affidavit, lumabag umano si Suarez sa kautusan ng Section 261 ng ‘Batas Pambansa Bilang 881’ o mas kilala bilang ‘Omnibus Election Code’ (OEC), na nagbabawal sa paglabas at paggastos ng pondo ng pamahalaan na walang pahintulot ng Comelec habang umiiral ang campaign period.

Ang paglabag ay may kinalaman sa pagpayag at pag-utos ng Gubernador sa paglabas ng pondo para sa programang ng Social Welfare Development Office sa ialim ng Assistance to Individual in Crisis Situations (AICS) at Sustainable Livelihood Programs (SLP), sa kabila ng pinaiiral na campaign period.

Batay sa Section 261(v) ng Omnibus Election Code, ipinagbabawal ang isang opisyal o empleyado, kabilang ang mga nanunungkulan sa barangay at ang mga government owned and controlled corporations at mga subsidiaries nito, ang pag-gastos ng pampublikong pondo sa loob ng apatnapu’t limang araw (45 Days) bago ang regular na halalan, at tatlongpung araw (30 days) naman bago ang espesyal na halalan. Ang pagbabawal ay para masiguro na hindi magagamit ang pondo sa pangangampanya

Ayon pa sa reklamo, pilit na humingi ang Gubernador ng pahintulot o “exemption” sa Comelec, ngunit hindi ito pinayagan.

Sa inilabas na desisyon noong Nobyembre 26, 2019, hindi pinayagan ng Komisyon ang hiling ng Gubernador na mailabas ang pera sa panahon ng kampanya dahil ito labag sa Section 261 ng OEC.

Ayon sa batas, maari lamang ilabas ang pondo kung ito ay: 1) pagkukunan ng sahod, 2) napapabilang sa pang araw-araw na gastusin, 3) at iba pang mga karapat-dapat na gastusin na pahihintulutan ng Komisyon matapos dumaan sa masusing pagdinig.

Sa isinagawang pagdinig noong May 7, 2019, kulang ang mga naisumiteng dokumento ng Gubernador at hindi nito natukoy ang mga programang paglalaanan ng pondo. Hindi rin malinaw kung saan kukunin ang pondong gagamitin at kung magkano ang halagang gagastusin, at hindi rin naisama ang approved budget at ang annual investment plan ng probinsya para sa taong 2019.

Ang paglabag sa nasabing batas ay pisibleng mauwi sa habambuhay na pagkakadiskwalipika sa pagtakbo sa anumang posisyon sa pamahalaan. RNT