Mambabatas sa DOJ, NBI: Sindikato maaaring nasa likod ng quarantine violators

Mambabatas sa DOJ, NBI: Sindikato maaaring nasa likod ng quarantine violators

December 31, 2021 @ 4:24 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Isang mambabatas nitong Biyernes ang humiling sa Justice Department at sa National Bureau of Investigation na tingnan ang posibilidad ng mga sindikato sa likod ng kaso ng mga biyahero na hindi na sumailalim sa mandatory quarantine pagdating sa Pilipinas.

“Dapat tingnan din kung meron bang modus operandi, mula sa mga paliparan hanggang sa mga quarantine facilities. Kasuhan kung kinakailangan at parusahan na naaayon sa ating batas. Tingnan din dapat kung ano ang mga liabilities ng hotel at ipataw ang kaukulang parusa,” ani Senate Committee on Health Chairman Bong Go.

Matatandaang isang babae galing Estados Unidos ang hindi sumailalim sa kanyang hotel quarantine facility sa Makati upang dumalo sa isang party, Napag-alaman naman na positibo siya sa COVID-19 at nakahawa pa sa mga ibang bisita ng naturang party.

Iginiit ni DOH Secretary Francisco Duque III na tinitingnan na nila lahat ng posibleng anggulo sa imbestigasyon, matapos ilahad ng violator na mayroon siyang koneksyon kaya siya nakatakas sa quarantine.

Samantala, sinabi naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra, na maaari ring ireklamo ang mga kasabwat ng naturang biyahero sa paglabag sa Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

“The applicability of RA 11332 to violations of this sort has not been tested judicially, so this may be an opportune time to try it,” aniya.

Gayundin, inihayag ni Bureau of Quarantine (BOQ) Director Roberto Salvacion na nakahanda na ang reklamo laban sa babae, at sinabing ito ay magiging halimbawa para sa mga nagbabalak na sumuway sa protocols.

Itinalaga na rin ang police personnel na magsagawa ng random inspection ng hotel quarantine facilities upang siguruhin ang pagsunod, ayon kay Philippine National Police Chief Dionardo Carlos. RNT/SA