Mamemeke ng pirma ni PBBM, kulong ng 20 taon-DOJ

Mamemeke ng pirma ni PBBM, kulong ng 20 taon-DOJ

September 1, 2022 @ 9:58 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Justice (DOJ) laban sa mga magmemeke ng pirma at presidential seal ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay maaaring makulong ng hanggang 20 taon.

Ang banta ng DOJ ay kasunod ng isyu ng kumalat na pekeng appointment paper ng Bureau of Immigration official na kalaunan ay itinatwa ng Malakanyang na may basbas ng Pangulo.

Sa isang Laging Handa briefing, sinabi ng tagapagsalita ng DOJ na si Mico Clavano na walang sasantuhin ang mga imbestigador sa paghabol sa mga taong nagkakalat ng mga pekeng appointment paper.

Ang National Bureau of Investigation at ang PNP-Criminal Investigation and Detection Group ang inatasang imbestigahan ang insidente.

“May lumabas na isang pekeng dokumento. Nakalagay doon sa dokumento ang appointment kunwari ni Rodolfo Espejo Jr. bilang commissioner ng Bureau of Immigration. Bagama’t sa pagtingin ng mga opisyales natin doon sa Malacañang ‘yung orginal ho ng dokumento wala sa PMS, sa OES at sa OP,” ani Clavano.

Sa pagbanggit sa Article 161 ng Revised Penal Code, sinabi ni Clavano na ang pekeng selyo ng pangulo ay may parusang reclusion temporal o 12 hanggang 20 taong pagkakakulong.

“Delikado ‘yung ganitong dokumento kasi it creates an atmosphere of confusion at dine-discredit ‘yung reputasyon ng ating gobyerno,” dagdag pa ng opisyal.

Tiniyak niya naman na hindi mananagot ang mga media outlet na nagkamali sa pag-ulat ng pekeng appointment. RNT