Mamemeke sa COVID-19 vaccination cards, diretso kulungan – Malakanyang

Mamemeke sa COVID-19 vaccination cards, diretso kulungan – Malakanyang

July 6, 2021 @ 7:09 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Nagbabala ang Malakanyang laban sa mga taong mamemeke ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) vaccination cards.

Tiniyak ni Presidential Spokesperson Harry Roque na diretso sa kulungan ang mga taong ito.

Sinabihan ni Sec. Roque ang publiko na huwag samantalahin ang pagpapaluwag sa panuntunan ng interzonal travel para sa fully-vaccinated individuals sa pamamagitan ng pagpapakita ng pekeng Covid-19 vaccination cards.

“Nagbibigay po ako ng babala doon sa mga mamemeke. Iyan po ay isang public document. Kapag kayo ay nameke ng vaccination card., that’s falsification of a public document. Medyo mataas po ang kulong diyan,” ayon kay Sec. Roque.

Ang pahayag na ito ni Sec. Roque ay bilang pagkatig sa naging kautusan ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar sa mga police officers na maging maingat laban sa posibleng paggamit ng pekeng vaccination cards matapos na paluwagin ang panuntunan na payagan ang interzonal travel para sa fully-vaccinated na tao.

Tiniyak naman Eleazar na nakikipag-tulungan naman ang PNP sa local government units sa pagpapatupad ng huling alituntunin o guidelines na ipinalabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).

Sinabi rin ni Sec. Roque na pag-uusapan ng task force ang mga concerns ng mga LGUs na may kaugnayan sa posibleng paggamit ng pekeng vaccine cards.

“We have heard concerns expressed by the LGUs pagdating dito. Iyan ay tatalakayin ng ating IATF,” anto.

Sa ilalim ng IATF-EID Resolution 124-5, kailangang iprisinta ng isang fully-vaccinated na tao ang kanyang vaccination card para sa interzonal travel, at maging sa intrazonal movement.

Sa huling IATF-EID resolution, nakasaad dito na ang fully-vaccinated individual ay kailangang naturukan ng bakuna na kasama sa Emergency Use Authorization List o Compassionate Special Permit na ipinalabas ng Philippine Food and Drug Administration o Emergency Use Listing of the World Health Organization.

Para sa interzonal movement, ang pagpapakita o presentasyon ng vaccine card “shall be sufficient alternatives” para sa anumang testing requirement “which the local government of destination may require, according to the resolution.”

Habang ang Interzonal movement ay ang galaw ng mga tao, goods, at services sa iba’t ibang lugar na nasa ilalim ng iba’t ibang community quarantine classifications. Kris Jose