‘Manageable debt remark’ ni Diokno, tablado kay Koko

‘Manageable debt remark’ ni Diokno, tablado kay Koko

November 25, 2022 @ 4:02 PM 4 days ago


MANILA, Philippines – Kinontra ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III nitong Huwebes, Nobyembre 24 si Secretary Benjamin Diokno sa “manageable debt remark” nito hinggil sa utang ng bansa na hindi dapat maalarma ang sinuman.

Sa pahayag, sinabi ni Pimentel na dapat tinututukan ng Kongreso ang inuutang ng pamahalaan dahil lubhang nakakabahala ang paglobo ng foreign debts na lumalampas sa gross national product (GDP).

“Ay hindi. Ako, matagal na akong hindi nakakatulog dahil dyan. So kailangan nakatutok tayo dyan,” ayon kay Pimentel.

“I-monitor natin kasi…at one point naging 39% ‘yan e ‘yung ratio—our debt to our GDP—pero isang pangyayari lamang [‘yung] pandemic, akyat agad sa 63%. So ganyan ka-fragile ‘yung mga ratio na ‘yan,” dagdag niya.

Sinabi ni Pimentel na dapat pagbasehan ni Diokno ang kanyang pananaw sa absolute number o tunay na halaga ng utang ng bansa at hindi sa halaga ng utang kumpara sa GDP na pawang pagtataya lamang.

“Ang sinasabi niya, ‘We will outgrow our debt.’ ibig sabihin n’on nakatingin siya sa ratio but ang utang natin is not the ratio. Ang utang natin is a number, ang number n’on is P13 trillion and going to P14 trillion by the end of this year,” aniya.

“If we can outgrow our debt, how come na hindi natin napapakita over time? Dapat bumababa siya overtime. ‘Wag tayo sa ratio magpakuha ng ating atensyon,” giit ng Senador.

Sa ginanap na pagdinig ng Commission on Appointments nitong Miyerkoles, Nobyembre 23 ipinaliwanag ni Diokno na tumaas ang debt-to-GDP ratio mula sa dating 40% bago magkaroon ng pandemya, tungo sa 62% sa panahon ng pandemya dahil sa pagbili ng bakuna at pagpapaunlad ng serbisyong pangkalusugan.

“That should not be a cause for concern—62%. That’s very manageable compared to other countries [whose] debt-to-GDP ratio is 200 percent,” ayon kay Diokno.

Nitong Setyembre, ang debt-to-GDP ng bansa – ang halaga ng utang ng bansa kumpara sa laki ng ekonomiya ay tumaas ng 63.7% mula sa 62.1 sa ikalawang bahagi ng 2022.

Ito na ang pinakamataas na debt-to-GDP ratio simula noong 2005 nang magtala ng 65.7% na lampas sa rekomendasyong pandaigdigang hindi dapat lumampas sa 60%.

Sa ngayon, umabot na sa P13.517 trilyon ang utang ng bansa. Inihayag ni Diokno na inaasinta ng administrasyon na ibaba ang debt-to-GDP ratio tungo sa 52.5% sa 2028. Ernie Reyes