Caloocan City – Todas ang 31-anyos na manager matapos pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang mga suspek sa Caloocan City, kaninang umaga.
Kinilala ni Caloocan Police Deputy Chief for Administration Supt. Ferdinand Del Rosario ang biktima na si Jayson Cuadrasal, 31-anyos, Human Resources Manager ng Goodyear Steel Corp. sa Quezon City at residente ng Lakas ng Mahirap, Brgy.12, Caloocan City.
Ayon kay Supt. Del Rosario, dakong alas-6:30 ng umaga, lumabas ang biktima sa kanilang bahay upang bumili sa tindahan nang sundan ito ng dalawang hindi kilalang armadong mga suspek at walang sabi-sabing pinagbabaril sa katawan.
Agad na namatay ang biktima sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan habang matapos ang insidente, mabilis namang tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksyon.
Sinabi pa ni Supt. Del Rosario na sinusuri nila ang kuha ng hawak nilang CCTV camera sa pinangyarihan ng insidente na maaring makatulong sa pagkakilanlan ng mga suspek at nangangalap pa sila ng iba pang kuha ng CCTV sa mga karatig na lugar kung saan maaring nakunan ang pagpunta at pagtakas ng mga gunman.
Habang inaalam pa rin ng mga imbestigador ang tunay na motibo sa pagpatay sa biktima. (Rene Manahan)