Mananabotahe sa Magna Carta of Seafarers bill, binalaan ni Tulfo

Mananabotahe sa Magna Carta of Seafarers bill, binalaan ni Tulfo

September 8, 2022 @ 10:40 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Binalaan ni Senator Idol Raffy Tulfo ang ilang grupo na nagtatangkang harangin ang pagsasabatas ng Magna Carta of Seafarers sa Senado ngayong 19th Congress.

Ibinunyag ni Tulfo, na Chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, na mayroong mga nag-lobby para hindi maipasa ang nasabing panukalang batas sa Senado noong nakaraang Kongreso.

“I’m giving a stern warning sa mga mag-a-attempt mag-lobby para harangin ang pagsasabatas ng Magna Carta of Filipino Seafarers, huwag na huwag niyo pong gagawin ‘yan dahil I will expose you,” ani Tulfo.

“Napagalaman ko na hindi naipasa ang panukalang batas na ito sa Senado noong nakaraang Kongreso dahil sa mga nag-lobby para harangin ito. Hindi po ako papayag under my watch, na yung kapakanan po ng ating OFWs at seafarers ay mapapabayaan dahil sa mga lobbyists na ito. I will not allow it,” dagdag niya.

Hindi nakapasa ang Magna Carta of Filipino Seafarers bill sa Senado noong 18th Congress habang ang counterpart measure nito sa House of Representatives ay nakaabot na sa ikatlong pagbasa.

Sa pagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagkakaroon ng isang Magna Carta para sa Filipino Seafarers, sinabi ni Tulfo na walang sapat na proteksyon ang mga marino mula sa batas habang ang trabaho nila ay may kalakip na malaking panganib

“Ipaglalaban ko na maipasa ang Magna Carta of Seafarers at all cost para sa kapakanan ng mga seafarers na tinuturing nating bayani dahil sa malaking ambag nila sa ating ekonomiya,” ani Tulfo.

“Bago pa ako maging Senador, maraming seafarers na ang lumalapit sa akin para idulog ang kanilang mga problema sa trabaho, at hiling nila na huwag ko silang pabayaan. Kaya nga isa sa naipangako ko sa kanila noong kampanya na ako ang magiging kakampi nila sa Senado. I am now walking the talk,” dagdag niya. Ernie Reyes