Manila, Philippines – Patuloy na iimbestigahan ng PNP ang kontrobersyal na video na kumakalat tungkol sa strip search na nangyari sa loob ng Makati City police station habang tinatawanan ito ng mga pulis.
Sinabi naman ni Director General Oscar Albayalde, chief of the Philippine National Police (PNP), na mali talaga ng nangyari sa video dahil isinasagawa raw ang strip search kasama ng isang pulis na may kaparehong kasarian ng suspek.
Dagdag pa ni Albayalde, patuloy nilang iimbestigahan ang nasabing insidente at sinabi pang, “Ang una nating gagawin is to relieve all those involve on the incident and to investigate it fully.”
“Mananagot ang dapat managot,” dagdag pa ni Albayalde
Ang insidenteng ito ay kinasasangkutan ng isang chief of the Drug Enforcement Unit (DEU) at ng tatlo pang police officer na tumatawa habang naghuhubad ang isang babae na nangyari sa sa loob ng Drug Enforcement Unit ng Makati City police station noong Marso 2017.
Samatala, nagalit naman si Makati police chief Senior Supt. Rogelio Simon dahil maling mali raw ang nangyari sa nasabing insidente.
“Ako’y talagang nagalit dahil hindi po talaga tama iyung nakita doon sa video. Talagang maling-mali po,” sabi ni Simon.
“Dahil pulis sila na dapat nangangalaga ng karapatan ng bawat tao, lalong lalo na sa babae na dapat pinapangalagaan natin at sa tingin ko nalabag nga dito,” dagdag pa ni Simon.
Sinabihan daw si Simon ng apat na kasangkot na pulis na ang babae ay hindi isang drug suspek at binayaran lang daw nila ito upang maging parte ng demo sa frisking.
“Binayaran nila iyung babae dahil ito’y kakilala nila, parang kaibigan nila, parang asset, ganoon din… Parang nagkaroon ng demo kung paano mo hahanapin sa isang suspek iyung itinatagong droga sa katawan,” sabi niya. (Remate News Team)